DINGLE, Iloilo – Masusing iniimbestigahan ng pulisya ang brutal na pagpatay sa isang magkapatid sa bayang ito, iniulat ng pulisya kahapon.

Ayon sa Dingle Municipal Police Station (DMPS), naganap ang krimen sa Barangay San Matias, Dingle, Iloilo. Kinilala ang mga biktima na sina Keith Ryan Latoza, 11, at Weisly Latoza, 9. Huli silang nakitang buhay habang naglalaro sa loob ng bahay.

Ayon sa isang saksi, na tumangging banggitin ang pangalan, naglilinis siya sa labas ng bahay nang may narinig na ingay kaya agad siyang pumasok sa loob. Nakita niya ang suspek na duguan at may hawak na kutsilyo habang papatakas.

Mabilis niyang tinungo ang silid ng mga bata at natagpuan niyang patay ang mga ito.

Probinsya

Atimonan mayor, kinondena pamamaslang sa 10-anyos na batang babae

Ayon sa pulisya, kapwa may tama sa mukha ang mga bata at nakatali. Pinaniniwalaang pinainom muna ng Zonrox bleach bago sinaksak at hinampas ng bareta sa mukha ang magkapatid.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek at motibo nito sa pagpatay.

Napag-alaman na umalis para mamalengke ang ina ng mga bata at iniwan ang mga ito sa isang tagapag-alaga.

Nagtatrabaho naman sa Qatar ang kanilang ama. (FER TABOY)