Ibinahagi ng Department of Migrant Workers (DMW) ang tinitingnan umano nilang anggulo sa motibo ng pagpatay sa dalawang Overseas Filipino Worker (OFWs) sa Lebanon.
Sa isang radio interview, inihayag ni DMW Undersecretary Bernardo Olalia na posibleng ang kagustuhan umanong makauwi sa Pilipinas ng isa sa mga biktima ang naghudyat sa suspek na employer upang i-hostage sila at saka patayin.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad sa Lebanon, sinasabing may problema umano sa pag-iisip ang suspek kung kaya’t naisagawa ang krimen.
Samantala, hindi naman naniniwala ang kampo ng dalawang OFWs na ngayo’y humihiling ng masusing imbestigasyon.
Napag-alaman ding isa sa mga biktima ang nagbabalak na raw sanang umuwi ng Pilipinas bago mangyari ang insidente. Ayon sa DMW, isang undocumented worker ang naturang biktima at halos 11 taon na raw itong hindi nakakauwi sa kaniyang pamilya.
Isang tourist visa raw ang ginamit ng nasabing biktima para makapasok sa Lebanon hanggang sa nakahanap ng trabaho sa kaniyang employer at magmula noon ay hindi na raw ito umuuwi pa ng bansa.
Ayon pa sa DMW pinag-aaralan na raw nila ang pagsasampa ng kasong murder laban sa suspek upang matiyak ang habambuhay na pagkakabilanggo niya.
Matatandaang noong Abril 15 nang mapaulat ang insidente hinggil sa sinapit ng dalawang biktima sa kamay ng kanilang employer at kinumpirma naman ito ng DMW noong Abril 21.
Ayon sa DMW, kapuwa household service workers ang mga biktima at nagtatrabaho sa iisang tahanan. Nasawi ang dalawa sa gitna ng isang hostage incident.
KAUGNAY NA BALITA: 2 OFWs, patay matapos i-hostage ng employer!
Ipinaliwanag naman ng DMW kung bakit wala pa raw tiyak kung kailan maibabalik ang mga labi ng dalawang OFWs.
“As of now, no confirmed date pa po ng repatriation ng remains. Usually, these cases are covered by AKSYON Fund po, for the family… Mayroon na [tayong coordination with the family], and legal assistance is kasama po sa AKSYON Fund,” anang DMW.