Patay ang dalawang overseas Filipino workers (OFWs) matapos pagbabarilin ng kanilang employer sa isang insidente sa Beirut, Lebanon noong Abril 15, 2026 ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) noong Martes, Abril 21.
Ayon sa DMW, kapuwa household service workers ang mga biktima at nagtatrabaho sa iisang tahanan. Nasawi ang dalawa sa gitna ng isang hostage incident.
Naaresto na ang suspek na employer at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang hinihintay ang pagsasampa ng pormal na kaso.
Sinabi ng ahensya na nakikipag-ugnayan ito sa Philippine Embassy sa Lebanon at sa mga lokal na awtoridad upang matiyak ang masusing imbestigasyon at ang tamang legal na hakbang.
Inatasan din ni Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac ang mga opisyal ng kagawaran na agad magbigay ng tulong sa mga naiwang pamilya ng mga biktima.
Inaasahang bibisita nang personal sina DMW Undersecretaries Bernard Olalia at Felicitas Bay sa mga pamilya ng biktima upang ipaabot ang pakikiramay at tiyakin ang suporta ng pamahalaan.
Ayon sa DMW, kabilang sa mga tulong na ibibigay ang repatriation arrangements at pag-access sa mga benepisyo para sa mga pamilya ng nasawi.
Muling iginiit ng ahensya ang pangako nitong itaguyod ang hustisya para sa mga biktima.
“The victims, both long-time household service workers in the residence, were fatally shot during the incident. The employer has been arrested and is currently under police custody pending formal charges,” anang DMW.
Dagdag pa ng ahensya, mahigpit nitong mino-monitor ang kaso katuwang ang mga kinauukulang awtoridad sa Lebanon.
“The Philippine government remains committed to securing justice for the victims and providing continued assistance to their families, including repatriation and access to benefits,” saad pa nila.