Kinumpirma ng Malacañang na tutungo sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos sa bansang Japan para sa isang state visit sa darating na Mayo 26 hanggang 29.
Base sa anunsyo ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Biyernes, Abril 24, makikipagpulong din ang dalawa kay Japanese Prime Minister (PM) Takaichi Sanae.
Pag-uusapan sa gaganaping summit ang pagpapatibay ng relasyon ng dalawang bansa at paiigtingin din nila ang usapin patungkol sa international developments.
Inaasahan din ang pakikipagdayalogo ng Pangulo sa ilang Japanese business groups at Filipino community sa nabanggit na bansa.
Anang PCO, ginugunita ng Pilipinas at Japan ngayong taon ang ika-70 taong anibersaryo ng kanilang diplomatic relations.
Ayon naman sa Ministry of Foreign Affairs of Japan, ito na ang ikatlong pagbisita ni PBBM sa Japan bilang Pangulo ng bansa—matapos ang pagtungo nito roon noong 2023 at 2025.