Matamis ang paghihiganti. At siniguro ni Alyssa Valdez na matitikman ito ng Ateneo Lady Eagles dito pa lamang sa elimination round.

Sa pangunguna ng two-time MVP, ginapi ng Ateneo ang mahigpit na karibal na La Salle, 21-25, 25-22, 25-16, 21-25, 15-5, nitong Linggo para tapusin ang two-round elimination ng UAAP Season 78 women's volleyball tournament bilang No. 1 team sa Mall of Asia Arena.

Hataw si Valdez, higit sa krusyal na sandali ng five-set thriller, para makuha ang panalo sa laro na inabot ng halos tatlong oras.

Bunsod ng panalo, naiganti ng Lady Eagles ang 22-25, 14-25, 18-25 kabiguan sa La Salle Spikers sa first round. Tangan ang 12-2 karta, nakuha ng Ateneo ang No. 1 spot, habang No. 2 ang La Salle (10-3). Kapwa nakuha nila ang insentibong twice-to-beat sa Final Four duel.

UAAP season 87 nagsimula na; Ateneo at UP, mauunang magbakbakan

“I think when I saw my teammates super sa eyes nila they’re inspired to play, they really wanna play today so kung ikaw ganoon ’yung teammates mo you’re gonna do your best also,” pahayag ni Valdez.

Hataw si Valdez sa naiskor na 24 puntos, 20 mula sa spike, isang block at tatlong service ace, habang tumipa sina sophomores Jhoana Maraguinot at Bea de Leon ng pinagsamang 27 marker.

Naitala naman ni Jia Morado ang 62 excellent set sa Ateneo, habang kumana si libero Gizelle Tan ng 16 dig at 14 excellent reception.

“Syempre its really a bonus for us being on top after the eliminations,” sambit ni Valdez. “Pero being on the top madami rin responsibilities so kailangan din namin mag-work hard pa para ma-maintain na nandoon kami sa taas.”

Nanguna sa La Salle si Ara Galang na may 20 puntos.