Pinabulaanan ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV ang pahayag ni Senate President Alan Peter Cayetano na wala pa umanong dinadakip sa loob ng Senado.
Sa isang Facebook post ni Trillanes noong Lunes, Mayo 11, nilapag niya ang kuhang video nang isyuhan siya ng arrest warrant sa Senado noong 2018.
“Back in 2018, Makati RTC issued a warrant against me for rebellion and it was served by the PNP while the Senate was in session,” saad ni Trillanes.
Dagdag pa niya, “The arresting PNP personnel read to me the Miranda rights while I was at the Executive Lounge beside the Senate Session Hall. Sumama ako sa mga pulis na nag-aresto sa akin.”
Kaugnay ito sa napipintong pag-aresto kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na may warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) dahil sa pagkakasangkot sa giyera kontra droga sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod kay Trillanes, matatandaang inaresto rin sa Senado noong 2017 si dating Sen. Leila De Lima ng mga awtoridad ng Philippine National Police (PNP) dahil sa drug trafficking charges na isinampa noon ng administrasyong Duterte.
Sa kasalukuyan, nagkakanlong sa loob ng Senado si Dela Rosa matapos siyang gawaran ng protective custody.
Maki-Balita: Lockdown, ipinatutupad sa Senado kasunod ng pagbulaga ni Sen. Bato
Kinumpirma na rin ng ICC na ang kumakalat na arrest warrant laban kay Dela Rosa ay opisyal na dokumento ng korte na inilabas ng tribunal.
Maki-Balita: 'Legit!' ICC, kinumpirma arrest warrant laban kay Dela Rosa