Nakabawi ang Café France sa Phoenix -FEU, 86-77, sa Game 2 upang itabla ang best-of-five title series ng 2016 PBA D League Aspirants Cup kahapon sa San Juan Arena.

Naiwan matapos ang first quarter,20-23, nadomina ng Bakers ang Accelerators sa second period, 29-11, para agawin ang kalamangan tungo sa 49-34 sa halftime.

Sa third period, higit na lumakas ang opensa ng Bakers at hindi na nagawang makabawi ng Accelerators para masiguro ang panalo at maiganti ang 78-82 kabiguan sa Game 1.

Huling nakapagbanta ang Accelerators sa 77-81, may 1:45 ang nalalabi sa laro.

Pambansang Kamao Manny Pacquiao, nag-senti? Ilang netizens, todo-comfort!

Gayunman, isa ring dating Tamaraw sa katauhan ni Carl Bryan Cruz ang tumapos sa kanilang paghahabol sa isinalansan na limang sunod na puntos, tampok ang 3- point play para selyuhan ang panalo at itala ang final count sa natitirang 33 segundo.

“Kami naman ang may energy and effort ngayon. Balihtad ngayon, kami naglaro sa first three sila humabol sa fourth,” pahayag ni Bakers coach Egay Macaraya.

“Napagod na yung mga bata kaya nahabol kami,” aniya.

Umamin ang mga manlalaro ng Tamaraws na nahirapan sila sa naging pagbabago ng schedule ng laro.

“Parang nawala yung aggression, nanibago kasi napaaga yung gising,” pahayag ni Roger Pogoy.

Tumapos na topscorer para sa Bakers si Cruz na may 28 puntos, habang apat pa ang tumapos na may double digit kabilang sina Paul Zamar (13), Aaron Jeruta (12), Rod Ebondo (11) at Abundo (10).

Nawalan naman ng halaga ang game-high 22 puntos ni Mac Belo para sa Phoenix-FEU.

Iskor:

Café France (86) — Cruz 18, Zamar 13, Jeruta 12, Ebondo 11, Abundo 10, De Leon 8, Manlangit 7, Opiso 4, Villahermosa 3, Casino 0, Celso 0.

Phoenix Petroleum (77) — Belo 22, Daquioag 16, Pogoy 10, Tamsi 9, Tolomia 6, Ru. Escoto 5, Inigo 5, Andrada 4, Ri. Escoto 0, Mendoza 0.

Quarterscores: 20-23; 49-34; 69-51; 86-77. (Marivic Awitan)