Inilunsad ng Philippine Sports Commission (PSC) ang family-oriented at community grassroots sports development program na Laro’t-Saya sa Parke (LSP) nitong Sabado sa Seventh Wonder of the World Plaza Burgos sa Vigan City, Ilocos Sur.

Dinaluhan mismo nina PSC Chairman Richie Garcia, PSC Executive Director Atty. Guillermo Iroy Jr., at PSC Research and Development chief Dr. Lauro Domingo Jr. ang pagpapasinaya sa makabuluhang programa ng pamahalaan.

Isasagawa sa Vigan City ang mga itinuturo rin sa programa sa ibang lungsod at probinsiya tulad ng zumba, arnis, 3-on-3 basketball, taekwondo, karatedo, volleyball, chess, football at badminton.

Katatapos lamang ilunsad ang Laro’t Saya sa Parke sa General Santos City noong Marso 19, 2016. Ilang probinsiya din ang nakatakdang pasimulan ang programa na iniendorso mismo ng Malakanyang para bigyan halaga ang kalusugan ng bawat mamamayan.

May nandura? Komosyon sa pagitan ng UP, La Salle coaches, lumala!

Una nang inilunsad ang programa noong 2012 sa Burnham Green sa Luneta Park bago nasundan ng iba pang lugar tulad ng Quezon City Memorial Circle, Imus City at Kawit sa Cavite at sa Pinaglabanan Park sa San Juan City.

Isinasagawa din ang programa sa Iloilo City Hall, Paranaque City, sa Davao City People’s Park, Bacolod Plaza sa Bacolod City, Liwasang Aguinaldo sa Kawit, Cavite, Plaza Sugbu sa Cebu City, Pastrana Park sa Aklan Province, Burnham Park sa Baguio City, E-Park sa Tagum City, San Carlos City Park sa San Carlos City, Negros Occidental. - Angie Oredo