BAGUIO CITY – Ang asawa, anak, o sinumang kaanak na may apelyidong “Mayaen” ang tanging kuwalipikado para palitan si Mountain Province Gov. Leonard Mayaen, na biglaang pumanaw nitong Marso 31 matapos atakehin sa puso, ayon sa provincial election officer.

Ayon kay Atty. Elenita Tabangin-Capuyan, batay sa probisyon ng Comelec (Commission on Elections) Resolution 8894, Section 19, “a candidate can be substituted on two grounds, death and disqualification by final judgment.

Sa kaso ng gobernador, ang kuwalipikado lamang na maging kapalit niya ay isang may kaparehong kaapelyido, at ang lahat ng boto para kay Mayaen ay makukuha ng kanyang substitute, ayon kay Capuyan.

Aniya, hindi na maaaring alisin ang pangalan ni Mayaen dahil tapos nang maimprenta ang balota para sa Mt. Province.

Probinsya

Pagpapapako ni Ruben Enaje sa krus, matutuldukan na ngayong taon?

Dagdag pa niya, tiyak na ang panalo ng sinumang papalit kay Mayaen dahil walang kalaban ang re-electionist na gobernador sa pagkandidato nito para sa ikatlong termino.

Bukod kay Mayaen, wala ring kalaban sa pagkandidatong bise gobernador si incumbent Vice Gov. Bonifacio Lacwasan, Jr., na magsisilbing gobernador ng lalawigan hanggang sa Hunyo 30.

Kung sakaling walang papalit kay Mayaen, sinabi ni Capuyan na ipatutupad ang successions na nangangahulugang ang mananalong bise gobernador ang magsisilbing gobernador at ang mangungunang board member ang bise. (Rizaldy Comanda)