Nakataya ang gintong medalya sa boccia at chess sa pagsambulat ng 5th PHILSpada National Para Games 2016 ngayon sa Marikina Sports Center.  

Sinabi ni Philippine Sports Association for the Differently Abled—National Paralympic Committee of the Philippines (PhilSPADA-NPC Philippines) President Michael Barredo na isasagawa ang eliminasyon sa wheelchair basketball sa umaga habang gaganapin kinahapunan ang mga laro sa chess at boccia.   

Ang tatlong sports ay kabilang sa kabuuang 10 na paglalabanan simula Marso 29 hanggang Abril 2 sa pagsasagawa ng torneo na nagsisilbing talent identification program ng PHILSpada.

Umabot na sa kabuuang 570 atleta at opisyal ang nagpalista sa torneo na tampok din ang mga sports na athletics, swimming, badminton, power lifting, goalball, table tennis at tenpin bowling.

Anong luto ni Chloe ang masarap para kay Caloy lalo na 'pag umuulan?

Nagsidating na rin ang mga delegasyon mula sa Pangasinan, Pampanga, Bulacan, Baguio, Benguet, Vigan, Sorsogon, NCR, Calabarzon, Bacolod, Iloilo, Cebu, Tacloban, Cagayan De Oro, Iligan, Davao City, Davao Del Norte, Koronadal, Misamis Oriental, General Santos, Zamboanga City at Butuan.

Inimbitahan naman ang mga mambabatas na tumulong sa differently-abled athletes upang maging panauhing pandangal sa torneo na sina Congressman Joseller “Yeng” Guiao, Wes Gatchalian, Anthony Del Rosario at Miro Quimbo gayundin si Marikina City Mayor Del De Guzman.

Magsisilbi naman na hamon sa husay at katatagan ng limang differently-abled athlete na nakapagkuwalipika na sa 2016 Rio ParaLympics ang torneo.  

Ang limang nakapagkuwalipika na sa Rio Paralympics ay binubuo nina Ernie Gawilan sa swimming, Josephine Medina sa table tennis, Jerod Pete Mangliwan at Andy Avellana sa athletics, at si Adeline Dumapong-Ancheta sa power lifting.

Patuloy pa rin ang rehistrasyon at classification para sa mga kategorya na visually impaired (VI), Cerebral Palsy (CP), Intellectual Disability (ID), Orthopedically Handicapped (OH) at Deaf bago simulan ang opening ceremony ganap na 4:00 ng hapon, Marso 29. (ANGIE OREDO)