NAGULAT pala si Mikael Daez nang tawagan siya ng GMA-7 at sabihang magiging leading man siya ni Regine Velasquez bagong Poor Señorita.

Mikael Daez“Ipinaulit ko pa nga sa kausap ko kung totoo ang sinabi niya,” natatawang kuwento ni Mikael. “Ako nga raw ang bagong leading man ni Ate Rej. Nasanay akong kami lagi ng favorite leading lady ko na si Andrea Torres ang magkatrabaho, kaya nang ako rin ang kinuha nilang isa sa katambal ni Jennylyn Mercado sa My Faithful Husband, hindi ko rin iyon in-expect. Tapos with Ate Rej naman.

“Hindi ko pa talaga siya nami-meet, wala pang nagpapakilala sa akin kay Ate Rej nang personal kaya noong GMA trade launch, nilapitan ko siya at nagpakilala ako na ako si Mikael Daez. Ang daming tao at walang chance na magkausap kami at sabi na lang namin, magkita na lang kami sa taping ng Poor Señorita.”

Pressure ba sa kanya ang pakikipagkatambal kay Regine?

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

“May pressure in the way, na kailangang maging solid ang character ko na isang macho, pero galing sa isang low-income family, iyong parang kargador lang ang peg, kaya naghanda rin ako, nagpaganda ng katawan, dahil madalas akong nakahubad, macho-looking. Nagkakaroon ako ng problema kung may taping ako ng Ismol Family, tutuloy ako sa Poor Señorita, nahihirapan akong mag-shift ng character.  Bading kasi ang role ko as Bernie sa Ismol Family ‘tapos magiging si Paeng sa Poor Señorita. Minsan na akong natawagan ni Direk Dominic Zapata at sabi niya ‘may konti kang Bernie sa character mong Paeng’.”

Paano iyon, may bed scene pala sila ni Regine?

“Siyempre, naging maingat ako, kinabahan ako.  Mabuti naman si Ate Rej, magandang katrabaho, wala sa kanya iyon, kaya naman ganoon na lang ang respeto ko sa kanya nang gawin namin ang bed scene, lalo pa at ipapalabas ang aming serye pagkatapos ng 24 Oras gabi-gabi.”

Natanong tuloy ng pilyang reporters si Mikael kung posible bang ma-in love siya sa mas matanda sa kanya. Bakit daw naman hindi, kung talaga ba silang nagmamahalan. 

Naikumusta rin sa kanya si 2013 Miss World Megan Young, ano ba talaga ang relasyon nila? Hindi pa ba sila aamin, kahit lagi naman silang nakikitang magkasama at nagtambal na sila sa isang episode noon ng Dangwa?

“Siguro, malapit na iyong pag-amin,” natatawang patapos ni Mikael. --Nora Calderon