Pilit na aabutin ni Marestella Torres, sa ikatlong pagkakataon ang katuparan ng pangarap na makalaro sa Rio Olympics sa pagsabak sa IAAF-sanctioned 19th Asian Masters Athletics Championships sa Mayo 4-9, sa Singapore Sports Hub sa Singapore.

Napag-alaman kay Paul Ycasas, Philippine Masters Athletics Association coordinator, na kuwalipikado na si Torres na maglaro sa Masters na isang torneo para sa mga dating pambansang atleta matapos tumuntong sa kanyang ika-35 taon noong Pebrero 20.

“Puwede siyang makapagkuwalipika sa Olympics kung kanyang maaabot ang qualifying standard sa Asian Masters dahil isa itong sanctioned event ng IAAF,” paliwanag ni Ycasas. “Malakas ang lineup natin ngayon dahil iyong mga dati nating national athletes na coach na ngayon ay kasali na sa Masters.”

Tatay ni Caloy, ‘ginatasan’ daw ng anak: ‘Kinuha niya semilya ko, ginanyan na kami!’

Mababa ang ipinakita ni Torres sa nakaraang 2016 Philippine National Games (PNG) sa Lingayen, Pangasinan matapos nitong tumalon ng 6.13 metro na malayo sa kanyang SEA Games at personal record na 6.71 metro.

Makakasama ni Torres na sasabak sa torneo ang mga dati nitong kakampi sa pambansang koponan na sina Arneil Ferrera na sasabak sa throwing event, si Jobert Delicano sa long jump at triple jump, Rene Herrera sa 3,000m steeplechase at ibang regular na kasali ng Team Masters Philippines.

Hindi makakasama ang minsan naging triple gold medalist sa torneo na si Elma Muros-Posadas dahil magpapagaling sa kanyang injury na bagama’t inaasahan na mag-uuwi ng ginto ang men’s relay na pinamumunuan ng matagal na humawak sa national record sa 400m hurdler at ngayon ay secretary general ng PATAFA na si Reynato Unso.

Magbabalik din sa koponan si Lerma Bulauitan-Gabito na asam iuwi muli ang mga ginto sa 100, 200, at long jump matapos hindi nakalaro sa huling edisyon ng torneo sa Japan dahil nag-coach ito sa 4x100 na koponan ng bansa na lumahok sa 28th SEA Games.

Huling nagtala ng dalawang bagong meet record habang nag-uwi ng kabuuang 10 medalya sa kada dalawang taong torneo ang 19 na kataong delagado na lumahok sa Kitakami City, Japan. Nakapagwagi ito ng tatlong ginto, dalawang pilak at limang tanso.

Ang tatlong ginto ay mula kay Emerson Obiena sa pole vault (M45-49 category), Danilo Fresnido sa M40-44 Javelin Throw na bagong AMAC record na 63.58 metro at si Erlinda Lavandia sa Javelin Throw. May dalawang pilak din si Lavandia sa Shot Put at Discus Throw at isang tanso sa Hammer Throw.

Ang mga nagwagi ng tanso ay sina Margarito Baniqued sa 5,000 meters walk (M50-54), John Lozada sa 800m run (M40-44), Victorina Calma, Elenita Punelas, Salve Bayaban at Jeanette Obiena sa 4x100 relay (W40-44) at sina Julio Bayaban, John Lozada, Edward Kho at Emerson Obiena sa 4x100 relay (M40-44). (ANGIE OREDO)