Umiskor ang bagong alaga ni trainer Nonito Donaire Sr. na si dating world rated Joebert “Little Pacman” Alvarez ng pinakamalaking panalo sa kanyang career nang mapatigil sa 6th round nitong Linggo si Puerto Rican Jonathan “Bomba” Gonzalez sa Coliseo Mario ‘Quijote’ Morales sa Guaynabo, Puerto Rico.

Napabagsak muna ni Alvarez sa ikalawang round si Gonzalez sa matinding kombinasyon ng kaliwa at kanan na natutuhan kay Donaire Sr. bago muling napabagsak sa ikaanim ang Puerto Rican na hindi na nagawang makabangon.

Itinigil ng referee ang laban at ideklarang bagong WBO NABO at WBC FECARBOX flyweight champion ang Pinoy boxer.

Sa pagwawagi, inaasahang magbabalik si Alvarez sa world ranking matapos siyang mawala sa listahan nang lumasap ng unang pagkatalo kay WBA at WBO flyweight titleholder Juan Francisco Estrada sa non-title fight na ginanap noong Disyembre 6, 2014 sa Hermosillo, Sonora, Mexico.

Wrestler-actor Dwayne Johnson, may pasabog sa fans; balik wrestling ring?

Napaganda ni Alvarez ang kanyang karta sa 15-1-1, tampok ang pitong TKO, samantalang bumagsak si Gonzalez sa 18-2-1.

Ito ang ikaapat na regional title ni Alvarez matapos niyang matamo ang interim WBO Asia Pacific light flyweight title noong 2012 nang patulugin ang kababayang si Jerry Tomogdan sa Butuan City, Agusan del Norte.

Sa unang laban niya sa abroad, tinalo niya si Mexican Julian Rivera sa puntos para maisuot ang bakanteng WBC Continental Americas flyweight title.

Inaasahang sa panalo, makapapasok si Alvarez sa WBC at WBO flyweight ranking sa Marso. (Gilbert Espeña)