Hindi lamang nakatuon ang diwa ng Ronda Pilipinas sa tropeo, tagumpay at premyo.

Magagamit din itong daan para magkaroon ng direksiyon ang mga abang siklista para sa katuparan ng kanilang pangarap.

Kabilang sa naghahangad ng pagbabago sa buhay si Ronnilan Quita, miyembro ng LBC-MVP Sports Foundation, na sumabak sa taunang karera na may hangaring masuportahan ang pamilya, gayundin ang pag-aaral ng mga kapatid at pinapangarap na edukasyon.

“Tumigil po ako matapos ang Grade Six para tulungan ang tatay ko sa paghahanap-buhay. Hindi na rin nakapag-aral ang iba kong kapatid,” sambit ng 21-anyos mula San Jose, Tarlac.

Tatay ni Caloy, ‘ginatasan’ daw ng anak: ‘Kinuha niya semilya ko, ginanyan na kami!’

Hindi man nagkampeon, malaking bagay ang premyong nakuha sa matikas na pagtatapos sa Visayas Leg ng LBC Ronda Pilipinas 2016.

“Iyung nakukuha ko po na buwanang allowance ay ginagamit ko po para mapa-aral ang nakababata kong kapatid kasi mas kailangan nila para mapaganda ang buhay namin kapag nakapagtapos sila,” sabi ni Quita, pumangalawa sa Stage 4 ng Visayas Leg.

“Ito lang po ang alam kong paraan para makatulong sa tatay ko. Pagkatapos po siguro ng mga kapatid ko ay sana mabigyan ako ng tsansa ng Ronda na makapag-aral kahit sa TESDA bilang welder para po kapag walang karera ay permanente akong makakatulong sa pamilya ko,” aniya.

Isa sa mga baguhan na nagpamalas ng kahusayan si Quita na tumapos sa ika-11 pwesto sa overall classification na pinagwagihan ng beteranong si Ronald Oranza ng Philippine Navy-Standard Insurance.

Nakamit nito ang pinakamataas na tagumpay sa Stage Four sa Roxas City kung saan ginulantang nito ang lahat matapos na pumangalawa sa tinanghal noon na 2009 Tour champion Joel Calderon mula sa Navy.

Ang ikalawang puwesto ang pinakamataas na tropeo ni Quita sapul na sumali bilang miyembro ng Team Negros noong 2015.

Ito na rin ang kanyang magiging tiket upang kumpletuhin ang kanyang pangarap.

“We’ll find a way to give him a scholarship after the elections because we in LBC Ronda Pilipinas loves giving our riders a chance to succeed,” sabi ni LBC Ronda project director at LBC Sports Development head Moe Chulani.

Si Quita ang pinakabagong benepisyaryo sa programa ng Ronda na mabigyan ang mga siklista mula sa malalayong lugar ng pagkakataon na makamit ang kanilang mga pangarap.

Una nang nadiskubre ng Ronda ang mga taga-South Cotabato na sina James Paolo Ferfas at Ranlen Maglantay na sumali sa Mindanao Leg kahit na gamit ang mabibigat na bisekleta at lumang kagamitan. Binigyan sila ng Ronda ng gamit pangkarera tulad ng jerseys, sapatos, medyas, gloves at helmet at de-kalidad na bisikleta.

Umaasa pa ang LBC Ronda organizer na makakadiskubre ng mga katulad nina Maglantay, Ferfas at Quita sa pagsikad ng karera sa Norte para sa Luzon leg na nakatakda sa Abril 3-9.

“That’s our goal, to help riders live their dreams and have more of them reach their goals,” sabi ni Chulani.

(ANGIE OREDO)