Walang balak ang isang lalaki na sampahan ng kaso ang kanyang asawa sa pagpatay nito sa sarili nilang anak, na ginilitan ng ginang gamit ang isang cutter, sa bayan ng Leon sa Iloilo, inihayag kahapon ng pulisya.

Ayon sa imbestigasyon ng Leon Municipal Police, iginiit ng mister na wala sa sariling katinuan ang kanyang misis nang gilitan nito ang kanilang anak na babae.

Namatay ang sanggol habang isinusugod sa ospital.

Ayon kay Senior Insp. Rewel Pabliko, hepe ng Leon Municipal Police, na bigla umanong sinumpong ng nervous breakdown ang suspek, na pansamantalang hindi pinangalanan.

Probinsya

Atimonan mayor, kinondena pamamaslang sa 10-anyos na batang babae

Nabatid na nasa kuna ang sanggol nang bigla itong binitbit ng ginang at ginilitan gamit ang cutter.

Sinabi ni Pabliko na handa ang pulisya na sampahan ng kaso ang suspek kung may ibang kaanak na maghahabla laban dito.

Napag-alaman na isang guro ang ginang, habang dati namang overseas Filipino worker (OFW) ang mister nito.

Ginagamot ngayon sa Western Visayas Medical Center ang suspek, habang nakaburol ang anak nito. (FER TABOY)