Agad na ipinagtanggol ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., matapos ang naging paglilinaw ng Department of Justice (DOJ) na hindi raw “technically” naaresto si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co ng mga awtoridad ng Czech Republic.
Kaugnay ito ng naging paliwanag ni DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez sa media nitong Biyernes, Abril 24, 2026, na hindi raw literal na inaresto ng mga awtoridad ng Czech Republic si Co matapos itong maharang sa German border.
Paghahalimbawa kasi ni Martinez, maaari daw gamiting anolohiya sa nangyari kay Co ang mga tagpo ng panghaharang sa isang indibidwal sa airport upang hindi payagang papasukin o palabasin ang mga ito sa isang partikular na bansa.
“For analogy, it’s similar to a situation in the airport where the person arrives and immigration denies entry or excludes the person,” pagsisimula niya
Dagdag pa niya, “Technically, not arrested but there is a deprivation of liberty to a certain degree.”
KAUGNAY NA BALITA: DOJ, inaming 'di ‘technically’ inaresto ng Czech si Zaldy Co
Dahil dito, tila nagawang matahan ng publiko ang personal na pag-uulat ng Pangulo sa kaniyang Facebook page noong Abril 16, na “nahuli” raw ng Czech si Co.
“Nahuli na si Zaldy Co. He is now detained in Prague after crossing into the Czech Republic without proper documentation and is currently in the custody of Czech authorities,” saad ni PBBM.
KAUGNAY NA BALITA: Zaldy Co, tiklo sa pagpasok sa Czech Republic—PBBM
Depensa ni Castro, maliwanag naman daw ang mga inulat ng Pangulo tungkol kay Co at hindi raw kay PBBM mismo nagsimula ang salitang “aresto” o “naaresto” si Co.
Giit niya, sinabi lang daw ni PBBM na nasa kustodiya na ng Czech Republic si Co dahil sa kakulangan ng huli ng wastong mga papel para pumasok sana sa Germany.
“Maliwanag ang sinabi ng Pangulo at ni SOJ Vida. Walang anumang contradiction,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Hindi nanggaling sa Pangulo ang salitang ‘aresto’. Ang sabi ng Pangulo ay nasa kustodiya ng Czech Republic si Zaldy Co dahil sa kakulangan sa proper documentation.”
Pagtitiyak pa ni Castro, “Nahuli si Zaldy Co due to immigration concerns.”
Samantala, kasalukuyan nang pumunta sina DOJ Acting Sec. Fredderick Vida kasama si Chief State Counsel Dennis Chan sa Czech Republic upang makipag-ugnayan at asikasuhin ang pagbabalik kay Co sa Pilipinas.
KAUGNAY NA BALITA: 'We will bring Zaldy Co home in accordance with the law!'—PBBM