Patay ang tatlong magkakaanak matapos mauwi sa barilan ang pagsisilbi sana ng arrest warrant ng pulisya sa Zamboanga City noong Huwebes, Abril 24, 2026.
Ayon sa mga ulat, nakatakdang silbihan noon ng militar at pulisya ng arrest arrant ang lalaking may kaso umano ng pagpatay at pinaghihinalaang miyembro ng armadong grupo sa naturang lugar.
Subalit, nang magpakilala na raw ang militar at pulisya bilang mga awtoridad, doon na raw nagpaputok ng mga armas ang kampo ng suspek.
Bunsod nito, doon na raw nagpalitan ng putukan ang mga awtoridad at suspek hanggang sa madamay ang ilang sibiliyan.
Nasawi ang mag-amang 52 taong gulang at anak niyang 12-anyos, napatay din ang pamangkin niyang 22-anyos.
Tatlong katao pa ang napaulat na nasaktan sa naturang insidente.
Narekober mula sa crime scene ang isang baril at granada na pinaghihinalaang pagmamay-ari ng suspek. Subalit napag-alamang tuluyan itong nakatakas at bigong masakote ng mga awtoridad.
Samantala, nagkasa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa kaugnayan umano ng magkakaanak na nadamay at sa suspek. Ayon sa kanila, nasa loob ng iisang bahay ang suspek at mga biktima nang nangyari ang putukan.
Nanindigan din ang tropa ng pulisya at militar na matagal na raw nilang minamanmanan ang lugar bago isinagawa ang operasyon.
Hustisya naman ang sigaw ng mga naulila ng mga biktima.