KAHIT aburidung-aburido na sa ginawa sa kanya ng mga tauhan ng BIR ay umiiwas pa ring magbigay ng komento si Gladys Reyes. 

Ang alam namin noon ay may kapalpakang ginawa sa aktres ang mga taga-BIR, pero napag-alaman namin na naka-freeze pala ang bank accounts ng isa pa naman sa board member ng MTRCB.

May mga dapat daw na ayusin si Gladys sa naturang ahensiya at ilang taon na raw itong sinisingil sa kanya. Sa kuwento pa sa amin ng isang taong malapit kay Gladys, may mga sulat na ipinadala ang BIR sa host at producer ng Moments pero hindi naman daw nakarating lahat sa aktres.

Kaya ang ginawa raw ng BIR ay ipina-freeze ang lahat ng bank accounts ni Gladys. 

Tsika at Intriga

Chloe San Jose, mas pinipiling maging 'authentic' na tao kaysa people-pleaser

Kinausap naman daw agad ni Gladys ang accountant niya para ayusin ang mga babayarin niya. 

Pero napag-alaman naman namin sa kausap namin na matagal na palang bayad si Gladys sa mga sinisingil sa kanya.

Panay nga raw ang hingi ng paumanhin ng mga taga-BIR kay Gladys, pero ang nakakaloka ay naka-freeeze pa rin ang bank accounts ng aktres.

Kumbaga, ‘yung perang ilang taon din naman niyang pinag-ipunan inaccessible pa rin kay Gladys hanggang ngayon.

Siyempre, sumama ang loob niya at gusto na sanang magsalita pero pinipigilan siya ng abogado niya.

Samantala, napag-alaman din namin sa aming source na nakatakda nang mag-last taping ang seryeng My Little Nanay na kinabibilangan ng premyadong aktres. (JIMIESCALA)