Inilunsad ang Rabies Awareness Month na may temang “Anti-Rabies Now Na”, sa pangunguna ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa Muntinlupa Sports Complex sa Muntinlupa City, kahapon ng umaga.
Layunin ng programa na iangat ang kamalayan ng publiko sa panganib na dulot ng rabies at pabakunahan ang kanilang mga alagang aso laban sa nakamamatay na sakit.
Ayon sa BAI, umaabot sa 215 indibidwal ang namamatay kada taon sa Pilipinas sanhi ng rabies, na nakukuha sa kagat, kalmot o laway ng hindi nabakunahang aso o pusa.
Kabilang sa mga sintomas ng sakit ang lagnat, sakit sa ulo, pananakit ng katawan, panunuyo ng lalamunan, pagkahilo, pagsusuka, pagkatakot sa tubig at hangin, pagkasensitibo sa liwanag at tunog, at pagkaparalisa ng katawan.
Target ng BAI na mabakunahan ang pitong milyong aso sa bansa ngayong taon. (Bella Gamotea)