‘LET THE OIL FLOW!’
Inihayag ni US President Donald Trump na naging matagumpay na ang peace agreement sa panig nila at ng Iran, habang nakatakda na rin umanong pirmahan ang kanilang kasunduan.
Sa kaniyang pahayag sa isang online platform noong Linggo, Hunyo 14, 2026, ibinahagi ni Trump ang naturang balita.
"The deal with the Islamic Republic of Iran is now complete," ani Trump.
Bago nito, nauna nang kinumpirma ni Pakistan Prime Minister Shehbaz Sharif ang peace talk agreement sa pagitan ng US at Iran. Matatandaang ang Pakistan ang nagsilbing host country ng nasabing dalawang bansa kung saan naganap ang pag-uusap para sa kapayapaan.
Samantala, nakatakda naman sa Biyernes, Hunyo 19, ang pirmahang magaganap sa pagitan ng US at Iran upang opisyal na mairatsada ang peace framework. Nakatakda itong gawin sa bansang Switzerland.
Kaugnay nito, sa hiwalay na pahayag ay inanunsyo rin ni Trump na muling magbubukas sa Hunyo 19 ang Strait of Hormuz kung saan tuluyan din nilang tatanggalin ang kanilang mga barikada.
"Ships of the world, start your engines. Let the oil flow!" saad pa ni Trump.
MAKI-BALITA: Strait of Hormuz, muling isinara ng Iran
Sa ilalim ng kanilang kasunduan, nangako umano ang US na ilalabas na nila ang $25 bilyong frozen assets ng Iran habang ang Iran naman ay pumayag nang hindi na nila itutuloy ang paggagawa at pagkuha ng anumang nuclear weapons.
Noong Pebrero 28, 2026 nang sumiklab ang tensyon sa Iran at karatig na bansa matapos silang bombahin ng magkahalong pwersa ng US at Israel bunsod umano ng nuclear activity ng nasabing bansa.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakit inatake ng US at Israel ang Iran na nagdulot ng tensyon sa Middle East?