Hindi dumating sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang apat sa limang top management ng Ateneo Men’s Basketball Team nitong Lunes, Hunyo 15, 2026, kung saan nauna na roon si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla.
Bago nito, matatandaang nauna nang linawin ni Remulla na nakatakda raw dumating sa CIDG ang mga kawani ng koponan ng Ateneo de Manila University sa pangunguna ni Coach Tab batay na sa nilabas na subpoena ng mga awtoridad.
Diin ni Remulla, “fact-finding exercise” naman daw ang layunin nilang ikasa sa naganap na insidente ng pagkalunod ng dalawang player ng Ateneo Blue Eagles na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili sa Dipaculao, Aurora, noong hapon ng Hunyo 8, 2026, at wala raw silang planong arestuhin ang sinomang top management ng naturang koponan.
KAUGNAY NA BALITA: 'Fact-finding ‘di fault-finding?' SILG Remulla, haharapin sa CIDG top management ng Ateneo!
Pasado 11:00 ng umaga nito ring Lunes, inihayag ni Remulla sa media na si Em Fernandez lang daw sa top management ng Ateneo Men’s Basketball Team ang nakapunta sa ahensya ng CIDG.
Ani Remulla, ayos lang naman daw kung hindi dumating ang iba pang kawani ng koponan o maging ang head coach na si Tab Baldwin dahil karapatan naman daw nila ito.
“Karapatan naman nila ‘yan so okay lang,” aniya.
Paglilinaw ni Remulla, bukas pa naman daw inaasahang pumunta ang mga kakamping manlalaro nina Baterbonia at Adili sa CIDG na saksi sa naganap insidente.
“Hindi pa. Baka bukas. Ngayon lang ang pinag-uusapan natin,” saad niya.
“Again I have to repeat, it is a fact-finding mission not a fault-finding,” pagtatapos pa ni Remulla.
Samantala, muli umanong padadalhan ng subpoena ng awtoridad ang mga miyembro ng top management ng Ateneo Men’s Basketball Team at aasahan daw nilang magpapakita ang mga ito sa darating na Biyernes, Hunyo 19, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: Coach Tab Baldwin, TM Epok Quimpo sasailalim sa 'leave' sa durasyon ng fact-finding ng Ateneo!
KAUGNAY NA BALITA: Atty. Torreon, 'di pinapasok sa burol ni Rene Baterbonia: 'Nakakahiya'