Hindi umano pinapasok ang legal counsel ng nalunod na rookie ng Ateneo Blue Eagles na si Rene Clert Baterbonia na si Atty. Israelito Torreon sa last night ng burol ng naturang athlete.
Matatandaang opisyal na inanunsyo ni Torreon noong Hunyo 10, 2026, na siya at si Atty. Jimmy Bondoc daw ang mga tatayong abogado para kay Baterbonia.
KAUGNAY NA BALITA: Torreon, Bondoc selyado na bilang abogado sa kaso ni Rene Baterbonia
Sa pahayag naman ni Torreon nitong madaling-araw ng Lunes, Hunyo 15, sinabi niyang binalak daw niyang makadalo sa burol ni Baterbonia ngunit hindi raw siya pinapasok sa loob ng Ateneo de Davao University.
“Gusto ko sanang mag-attend kanina sa last night ng wake ni Rene Baterbonia sa Ateneo de Davao pero hindi ako pinapasok,” pagsisimula niya.
Ani Torreon, kukumpirmahin lang daw sana niya ang mga early sign ng putrefaction ng mga labi ni Baterbonia dahil hindi raw niya maintindihan kung bakit mabaho na raw agad ang katawan ng nasawing manlalaro.
“Gusto ko sana iverify yung report na may early signs of putrefaction na daw ang body ni Rene at may signs na medyo mabaho na raw. Hindi ko [maintindihan] bakit ganoon na kaagad [‘yong] body niya,” aniya.
Dagdag pa niya, “Andaming tao na naglinya mula sa nearby Flores Village hanggang sa Ateneo de Davao Bangkal Campus pero nakapasok na lang sila lahat pero [h]indi talaga [k]ami pinapasok pati mga kasama ko.”
Diin ni Torreon, sinabi raw sa kaniya ng guard ng pamantasan na inutusan sila ng Vice President ng Ateneo de Davao University na huwag silang papasukin.
“Sabi ng guard ay utos daw ng [Vice President] ng Ateneo de Davao. Halos isang oras na kami doon at pinatindig at pinahintay lang [k]ami doon,” saad niya.
Hinayang ni Torreon, kasama pa naman daw sana niyang papasok sa burol ang kapuwa abogadong si Atty. Regal Olivia, mga kaibigan, anak na si Karlo Torreon na siya raw dating President ng Ateneo de Davao Law Student Council, at iba pa.
“Kasama ko pa naman si Atty Regal Oliva at ang kaibigan ko na si Sir Doods and Mrs ko at anak ko na si Karlo Torreon na dating President sa Ateneo de Davao Law Student Council pati na rin anak ko na si Kish at mga kaibigan niya na mga Ateneans din,” ‘ika niya.
“Nakakahiya na kaya umalis na lang kami,” pagtatapos pa ni Torreon.
KAUGNAY NA BALITA: Ateneo de Davao, sinagot na scholarship ng mga kapatid ni Rene Baterbonia
KAUGNAY NA BALITA: 'Players are not safe around him!' Estranged wife ni Coach Tab, matagal nang nagbabala sa Ateneo!