July 23, 2026

Home BALITA

Ateneo de Davao, sinagot na scholarship ng mga kapatid ni Rene Baterbonia

Ateneo de Davao, sinagot na scholarship ng mga kapatid ni Rene Baterbonia
Photo courtesy: Rene Clert Baterbonia

Inihayag ni Ateneo de Davao University Fr. Karel San Juan na nakatakda nilang bigyan ng scholarship ang anim na mga kapatid ng pumanaw na student athlete na si Rene Baterbonia.

Sa isinagawang misa sa burol ni Rene noong Sabado, Hunyo 13, kinumpirma ni Fr. San Juan ang scholarship na ibibigay nila sa mga nakababatang kapatid ni Rene.

“Isa sa mga pangarap po ni Bobet ay matutupad. Yung pangarap na nagdala po sa kaniya sa Maynila at iwan ang kaniyang pamilya dito sa Davao,” ani Fr. Karel.

Dagdag pa niya, “Ang pangarap n'ya na ang kaniyang anim na mga kapatid... Ay bibigyan po ng Ateneo de Davao University ng scholarship.”

Saad pa niya, maging ang Xavier University ay nagpahayag din ng kanilang alok na scholarship, subalit mas gusto raw ng ina ni Rene na mas malapit na lang sa kanila mag-aral ang kaniyang mga anak.

National

US Pres. Trump, ipapaalam kay Chinese Pres. XI Jinping 'concerns' ng Pilipinas—Palasyo

“Handa rin po tumulong yung ibang Ateneo tulad ng Xavier University sa Cagayan de Oro, pero sabi po ni Mama, 'Dito na lang po sa Davao malapit po sa Agusan,’” aniya pa.

Matatandaang anim na mga kapatid ang naulila ni Rene matapos ang trahedyang sinapit niya sa training camp sa Aurora sa ilalim ng Ateneo de Manila University Blue Eagles team. 

Bukod kay Rene, kabilang sa nasawi dahil sa pagkalunod ang Nigerian national na si Divine Adili sa private training na ikinasa sa pangunguna ni Ateneo Head Coach Tab Baldwin.

Sa kasalukuyan, naka-leave na si Baldwin habang nagpapatuloy ang imbestigasyon hinggil sa umano’y tunay na nangyari sa dalawang atleta.

Hustisya naman ang panawagan ng kanilang mga naulilang kapamilya.

KAUGNAY NA BALITA:'Akala ko training lang, hindi military training!'—Ina ni Rene Baterbonia