Nakatakda umanong isailalim sa “leave” sina Ateneo Blue Eagles men’s basketball team Head Coach Tab Baldwin at Team Manager Christopher ‘Epok’ Quimpo sa durasyon ng pagkakasa ng Ateneo de Manila University ng fact-finding hinggil sa pagkalunod nina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.
Bago nito nauna nang ipahayag ni ADMU President (Sgd) Fr. Roberto C. Yap SJ nitong Huwebes, Hunyo 11, 2026, ang pagmamandato ng kanilang Board of Trustees na magsagawa ng fact-finding inquiry sa lahat ng naging kaganapan sa naturang insidente ng pagkamatay ng kanilang mga manlalaro.
KAUGNAY NA BALITA: ADMU Pres. Fr. Roberto Yap nagsalita; 'fact-finding' sa pagpanaw ng 2 atleta, isasagawa!
Ani pa ni Yap, layunin daw ng pagsasailalim nila ng “leave” kina Baldwin at Quimpo na isulong ang integridad, kalayaan, at pagiging pantay sa ikakasa nilang fact-finding o masusing imbestigasyon sa pagkasawi nina Baterbonia at Adili.
“To preserve the total integrity, independence, and fairness of this investigation-and to ensure all participants can cooperate freely without any actual or perceived pressure-Head Coach Thomas Anthony ‘Tab’ Baldwin and Team Manager Christopher ‘Epok’ Quimpo have gone on leave for the duration of the inquiry,” aniya.
Diin ni Yap, patuloy raw na makikipag-ugnayan ang kanilang pamantasan sa mga awtoridad sa pagsisiyasat ng katotohanan hinggil sa mapait na sinapit ng kanilang dalawang manlalaro.
“The University is cooperating fully, transparently, and without reservation with all investigations being undertaken by national authorities and competent regulatory bodies,” saad niya.
Hiling ni Yap, patuloy raw sanang ipanalangin ng publiko na malutas o mabigyang-liwanag ang madilim na yugto na pinagdadaanan ng kanilang pamantasan at para na rin kina Baterbonia at Adili.
“We ask our community for their continued prayers as we navigate this dark chapter,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang opisyal na inanunsyo ng ADMU sa kanilang Facebook post noong Lunes, Hunyo 8, ang insidente ng pagkalunod nina Baterbonia at Adili sa isinagawa nilang team building Aurora.
KAUGNAY NA BALITA: 'Is it just a team building?' Netizens, umalma sa pagkalunod nina Baterbonia at Adili!
KAUGNAY NA BALITA: Huling pangako ni Rene Baterbonia: 'Iaahon ko aking pamilya sa kahirapan!'