Hindi itinanggi ng aktres na si Cristine Reyes ang persepsyon ng marami sa kaniya na isa umano siyang diva.
Ang diva ay tumutukoy sa sikat at natatanging babaeng singer, ngunit ginagamit din ito para ilarawan ang isang taong glamoroso o kaya naman ay temperamental. Ibig sabihin, ginagamit itong panlarawan sa isang taong maaaring nagpapakita ng "bad attitude" sa iba, kagaya ng pagtataray, halimbawa.
Nakapanayam si Cristine sa talk show na "The B Side" kamakailan, hosted by Bianca Gonzalez. Isa sa mga naurirat sa kaniya, ang isyu ng pagiging diva nga raw niya sa set noon!
“Anong reaksiyon mo sa mga issue na diva ka raw noon sa set?” usisa ni Kapamilya host Bianca Gonzalez.
“That's true," mabilis na sagot ni Cristine. "Gano'n talaga."
Sey tuloy ni Bianca, "Honestly, I'm so happy na parang when you're older you're really more like gano'n talaga dati, e. Para hindi na tayo mag-explain. Saka we accept kung ano 'yong mga nagawa natin dati.”
“Oo, gano’n talaga. Minsan, monster talaga ako no’n. Ngayon ‘yong pagka-monster ko nate-tame na,” tugon ni Cristine.
Matatandaang noong 2016 ay pinag-usapan ang mga himutok ng aktres na si Vivian Velez patungkol sa umano’y prima donna sa set ng “Tubig At Langis” na kalaunan ay kinumpirma niyang si Cristine.
Dahil dito, naghayag siya na magbibitiw na sa naturang teleserye dahil sa kabastusan umano ng kaniyang co-host.
Samantala, ayon naman kay Cristine, nagsimula umano ang gusot sa pagitan nila ni Vivian dahil sa pagiging maingay umano nito sa pinagsasaluhan nilang kwarto.
Sa huli, humingi naman siya ng dispensa sa kapuwa aktres at inihayag na maresolba agad ang isyu sa lalong madaling panahon.
Dagdag pa ni Cristine, “I am also sorry that emotions got so heightened that some of my actions were misconstrued for rudeness when they were, more than anything else, my own way of coping with the stressful working conditions on this set in this particular instance. But I sincerely apologize if I hurt Ms. Vivian or anybody else.”
Sa kasalukuyan, mahigit dalawang dekada na si Cristine sa showbiz industry. Nagsimula ang kaniyang karera sa reality talent search na StarStruck ng GMA Network.
Bago tuluyang sumakabilang-estasyon sa ABS-CBN, napabilang siya sa ilang malalaking proyekto ng GMA tulad ng Mulawin, Darna, at Marimar.