Umiiral pa rin ang hands-off policy ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa usapin ng eleksiyon sa Mayo 9.
“Still no,” sagot ni Mohagher Iqbal, chief negotiator ng MILF sa usapang pangkapayapaan sa gobyerno, nang tanungin kung mag-eendorso ng kandidato sa pagkapresidente ang organisasyon sa mga miyembro nito, kasunod ng pagbisita ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa Camp Darapanan sa Sultan Kudarat, Maguindanao, nitong Pebrero 27.
“We are not going to participate in the coming political exercise, nor endorse any candidate for president, or whatever position,” sabi ni Iqbal.
Aniya, nananatili pa rin ang hands-off policy ng MILF Central Committee sa halalan, at ito na ang umiiral sa organisasyon simula nang maitatag ito noong 1977.
Gayunman, sinabi ni Iqbal, chairman din ng Bangsamoro Transition Commission (BTC) na bumuo sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL), na hindi pipigilan ng pamunuan ng MILF ang mga miyembro nito na bumoto.
“Our members may vote for their choice candidates,” ani Iqbal. “But as long as the MILF remains a revolutionary organization, we are not going to participate in any election.”
Sa kabila nito, bukas ang MILF sa paglalahad ng mga katangian na para sa organisasyon ay dapat na taglayin ng susunod na pangulo ng bansa.
Aniya, ang isang kumakandidatong pangulo ay dapat na may malinaw na polisiya sa BBL, o solusyon sa kaguluhan sa Mindanao; makatao; may inclusive governance; at walang pinapanigang relihiyon o lahi. (Edd K. Usman)