Masusukat ang kahandaan ng mga pambansang atleta sa kanilang pagsabak laban sa regional at collegiate champion sa paglarga ng Philippine National Games (PNG) Championships sa Marso 7 hanggang 13, sa Lingayen, Pangasinan.
Sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia na hindi lamang magsisilbing batayan kung mananatili sa kanilang kinalalagyan ang mga pambansang atleta kundi nagsisilbi di itong sukatan kung sino ang dapat na mabigyan ng insentibo at biyaya mula sa pamahalaan.
“They (elite athletes) should prove that they deserved to be in the national squad,” sambit ni Garcia. “Dito sa PNG natin malalaman kung sino-sino ang mga posibleng ipapadala natin sa SEA Games next year.”
Sasabak ang mga kalahok – pawang naging medallist sa naunang tatlong qualifying leg sa Luzon, Visayas at Mindanao -- sa kabuuang 20 sports.
Mahigit sa 800 kabataang atleta, kabilang ang mga national athletes at training pool member, ang nagawang makausad sa National Finals.
Isasagawa ang archery sa Capital golf driving range, arnis sa Pangasinan National High School gym, athletics sa Narciso Ramos Track Oval, Badminton sa NR Gym, billiards sa Magsaysay Elem. School gym, boxing sa NR Sports Complex, Chess sa NR Training Center, dancesports sa Sison Auditorium, futsal sa Binmaley Catholic School.
Ang judo sa Bataoil Gym, karatedo sa Columban College gym, lawn tennis sa PNP Tennis Center, muaythai sa Lingayen Town Plaza, pencak silat sa Pangasinan Elementary. School gym, sepaktakraw sa Baay Elem. School gym, swimming sa San Carlos city, table tennis sa Wellness Center, taekwondo sa Lingayen Central School gym, weightlifting sa Lingayen Town Plaza at ang wrestling sa Libsong East Gym. (ANGIE OREDO)