BATANGAS CITY - Patay ang isang 47-anyos na magsasaka makaraan niyang ipagtanggol ang sariling anak na napaaway habang nakikipag- inuman sa kanilang mga kamag-anak sa bulubunduking bahagi ng Batangas City.

Namatay sa mga tinamong taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Alejandro Tolentino, residente ng Sitio Kay Lamig, Barangay Sto. Niño.

Sugatan naman ang anak niyang si Robert Tolentino, 28; at si John Kevin Asi, 17 anyos.

Pinaghahanap naman ang mag-amang suspek na sina Agaton Asi, 55; at Vivencio Asi, 27 anyos.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Nabatid sa report ni SPO1 Dante Reabad, dakong 8:30 ng gabi nitong Huwebes, nakikipag-inuman si Robert sa mga suspek sa bahay ng mga Asi nang magkaalitan ang mga ito at mabugbog umano si Robert.

Nang malamang nabugbog ang anak, sumugod sa lugar ang matandang Tolentino at binaril umano si John Kevin gamit ang isang .45 caliber pistol.

Dahil sa pangyayari, sinugod ng taga ng mga suspek si Alejandro hanggang sa mamatay ito.

Narekober ng mga pulis sa pinangyarihan ang isang .45 caliber pistol at dalawang bolo na may bahid pa ng dugo.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng away ng mga suspek at ng biktima. (Lyka Manalo)