Isang matandang babae ang pinaslang kasama ng dalawang apo niyang dalagita, na parehong ginahasa pa ng isang magsasaka, sa Lamitan City, Basilan, kahapon ng madaling araw.

Sa follow-up operation ng pulisya, naaresto si Ronald Pahunao, 32, magsasaka, tubong Titay, Zamboanga Sibugay, na sinasabing umamin sa krimen.

Ayon sa report ni Senior Insp. Gean Gallardo, hepe ng Lamitan City Police, naniniwala ang pulisya na hindi nag-iisa si Pahunao nang isagawa ang krimen sa pagitan ng 2:00 hanggang 4:00 ng umaga kahapon.

Kinilalan ng pulisya ang biktima na si Nelita Barbosa, 72, habang hindi naman pinangalanan ang dalawa pang biktimang dalagita, isang mag-aaral sa Grade 6 at isang Grade 7 student.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Sinabi ng isang kaanak ng mga biktima na nakita niyang nakahandusay at pawang wala nang buhay ang mga biktima nang silipin niya ang maglolola dakong 5:00 ng umaga.

Sa imbestigasyon ng Scene of the Crime Operations (SOCO) ng pulisya, napag-alaman na gumamit ng matigas na kahoy ang mga suspek at pinagpapalo ang mga biktima hanggang sa mamatay.

Nabatid pa sa post mortem examination sa mga biktima na ginahasa ang dalawang dalagita bago pinatay ang mga ito.

Natukoy si Pahunao na isa sa mga suspek sa krimen matapos na marekober umano ang flashlight nito sa tabi ng mga biktima.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa krimen. (FER TABOY)