Apat na katao, kabilang ang isang municipal treasurer, ang napatay matapos masabugan ng bomba sa Sitio Lining, Barangay Salvo, Datu Saudi Ampatuan sa Maguindanao, nitong Martes ng gabi.

Ayon kay Senior Supt. Nickson Muksan, director ng Maguindanao Police Provincial Office (MPPO), pinasabog ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang isang improvised explosive device (IED) sa mga biktima dakong 10:40 ng gabi sa Bgy. Salvo.

Kinilala ang mga nasawi na si Ken-Ken Macabangen, municipal treasurer ng Datu Salibo; anak niyang si Saima Macabangen, 5; at dalawang kamag-anak na sina Alex Ganoy at Caloy Macabangen.

Nakilala naman ang mga nasugatan na sina Agabai Macabangen at Benzar Macabangen, kapwa taga-Bgy. Poblacion, Datu Salibo, Maguindanao.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sinabi ni Muksan na batay sa report ng Datu Salibo Municipal Police, mula sa Cotabato City ay sakay ang mga biktima sa Delica van (RDX-928) at pauwi na sa Datu Salibo nang pasabugan ng EID na gawa sa 81mm mortar.

Nabatid na una nang binalaan ng pulisya ang mga biktima na huwag nang tumuloy dahil mainit ang sitwasyon sa Datu Salibo dahil may sagupaan ang militar at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Samantala, hanggang sa mga ulat na ito ay patuloy pa rin ang mainit na labanan ng 40th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Bgy. Linantangan sa Mamasapano, Maguindanao, at nasa 30 tauhan ng BIFF, sa pangunguna ni Kumander Samad Simpal, ang sumalakay. (FER TABOY at LEO DIAZ)