Kapwa magtatangka ang defending two-time champion Ateneo at mahigpit na karibal na De La Salle na manatili sa kanilang pangingibabaw sa pagsalang sa magkahiwalay na laro ngayong hapon sa pagpapatuloy ng UAAP Season 78 volleyball tournament sa Mall of Asia Arena.
Kakalabanin ng Lady Eagles ang Far Eastern University ganap na 2:00 ng hapon habang makakasagupa ng Lady Spikers ang National University sa tampok ganap ng 4:00 ng hapon.
Mauuna rito, pupuntiryahin ng reigning titleholder Ateneo ang ikatlong dikit na panalo sa pagsagupa sa Adamson University sa ikalawang laban ganap na 10:00 ng umaga pagkatapos ng unang salpukan ganap na 8:00 ng umaga sa pagitan ng University of the East at FEU sa men’s division.
“We don’t think about that (the streak). Siyempre, it gives us confidence but coach Tai does not stop us from hard training. Iba-iba ang natutunan namin every game,” pahayag ni reigning 2-time MVP Alyssa Valdez matapos makamit ng Lady Eagles ang ika-20 sunod na panalo sa liga mula pa noong nakaraang season sa huling panalo nila kontra University of Santo Tomas.
Naghahangad din ng ikatlong dikit na panalo, inaasahang may bago na namang eksperimento si Lady Spikers coach Ramil de Jesus sa kanyang starting six.
“Tinitignan lang namin kung ano ang possible naming magawa sa NU game,” paliwanag ni De Jesus.
Para naman kay Lady Bulldogs coach Roger Gorayeb kailangan nilang matapatan ang energy ng Lady Spikers.
“Nandoon ang championship spirit nila at na-inspire sila sa pagbabalik ni Galang. Yun ang nagda-drive sa kanila lalo,” ani Gorayeb.
Samantala, naniniwala ang Lady Eagles na kailangan nilang mapanatili ang mataas na level ng kanilang laro.
“It’s anybody’s ballgame, wala tayong masasabi talaga kung sino. It’s an interesting season so we have to prepare not only for FEU, but for every team. We have to apply kung ano pinapagawa ni coach Tai (Bundit),” ani Valdez.
(Marivic Awitan)