Daniel at Kathryn

Ni REGGEE BONOAN

HINDI na naitago nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo ang relasyon nila sa entertainment press sa finale presscon ng Pangako Sa ‘Yo dahil panay ang titigan nila habang magkahawak-kamay, iba rin ang mga ngiti at body language nila.

Hindi pa rin nila inamin ang relasyon nila, pero “oo na” ang intindi namin sa mga pahayag ni Daniel nang tanungin kung sila na ng young actress.

Tsika at Intriga

Aagawan pa ng moment si Jesus? Denise Julia, 'reresbak' daw sa araw ng Pasko

“Napaka-obvious naman kasi, di ba? Ako, ‘yung sinasabi ko lang naman, ang hirap mag-isip ng kasinungalingan, eh. Kaya naisip ko habang tinatanong n’yo ako, ‘pag nag-isip pa ako ng kasinungalingan, mahihirapan ako, baka mag-buckle pa ako. So, ‘yung totoo na lang ang sinabi ko. And feeling ko lang, you deserve an answer and you got it.”

So, ano na nga ang final answer, DJ?

“It is love. The answer is love.”

Maging si Kathryn, hindi na rin nagawang mag-deny.

“Ang hirap kasi na parang... hindi naman sa inuuto mo ‘yung mga tao or parang pinapaikot mo sila, ganu’n. Basta kami, usapan namin ni DJ, on or off cam, importante ‘yung ipapakita natin sa kanila kung ano ‘yung totoo. ‘Yun talaga.

“And kung ano ‘yung nakikita n’yo ngayon, ganu’n po talaga, eh. Maybe grabe talaga ‘yung care namin sa isa’t isa, and sobrang importante, grabe, malaking parte na kami ng isa’t isa. Parang magnet na kaming dalawa, hindi mo na mapaghihiwalay. Ang kung ano ‘yung nakikita n’yo, ‘yun lang po ang totoo talaga.”

Sobrang proud si Daniel sa kanyang lady love.

“Grabe na rin pala ‘yung pinagsamahan naming dalawa. Na sobrang napa-proud lang ako kay Kathryn sa lahat ng nararating din niya ngayon na magkasama kaming dalawa. Na ako ang kasama niya sa lahat ng nararating niya ngayon. Very proud ako roon. Very proud and very thankful sa lahat ng... nagiging emotional ako, eh,” seryosong sabi ng aktor.

“’Yun nga, very proud ako kay Kathryn sa lahat ng nangyayari sa amin ngayon, and kaming dalawa, very happy kami sa isa’t isa. Para sa akin, napakabait lang talaga ng Diyos.

“At ngayon, wala na akong hinahanap pang iba, wala na akong kailangan pang iba. ‘Pag inisiip ko paggising ko kung may kulang pa ba sa akin, wala, okay na ako, ganu’n na ang estado ko ngayon. Dahil sa show na ito, sobrang nag-mature ako sa show na ito, ‘yun ang masasabi ko.

“Gusto ko lang magpasalamat sa inyong lahat at sa lahat ng nakasama ko sa show, thank you. Sobrang solid nitong Pangako Sa ‘Yo.”

Para na rin kaming nanonood ng taping ng Pangako Sa ’Yo dahil kung ano ‘yung mga pangako nila sa isa’t isa sa serye ay sinabi rin ni Daniel sa presscon.

“Lagi akong nandito para sa kanya and hindi ko siya pababayaan, pangako sa ‘yo na hindi ka malulumbay sa akin,” sabi ng young actor.

“Siguro kung mayroon akong napangako sa kanya na masasabi kong nagawa ko so far,” wika naman ni Kathryn, “sinabi namin na dapat intindihin namin ang isa’t isa, na ang tagal na naming magkasama, four years na love team.

“And puwede na sa mga years na ‘yan magkasawaan kayo or masyado n’yo nang kilala ang isa’t isa, it’s either tanggapin mo ‘yan or hindi mo tanggapin. Pero kaming dalawa, inintindi namin ang isa’t isa, and naging open kami pareho. Parang tinanggap ko siya as Daniel and tinanggap niya ako kung sino talaga ako. And parang natupad ‘yung pangako na ‘yun kasi ngayon, nararamdaman ko, nare-realize ko na parang nag-grow kami together.

“Pangako sa ‘yo, DJ na kahit kailan ay hindi mo mararamdaman na mag-isa ka. Nandito ako parati to support you.”

Inaabangan ng televiewers ang nalalapit ng pagtatapos ng Pangako Sa ‘Yo at kitang-kita ito sa all-time high national TV rating na nakamit ng programa, 40.6% sa survey data ng Kantar Media noong Martes, Pebrero 2.