ANG Manila Bulletin ay 116 na taon na ngayon at habang ipinagmamalaki nito ang pagiging isang pahayagan na naging saksi sa mahigit isang siglo ng mga pangyayari sa bansa, higit nitong ipinagkakapuri ang pamamayagpag nito sa merkado ngayon at ang naging ambag nito sa pagpapaunlad ng ating bansa sa mga aspetong pulitikal, pang-ekonomiya, panlipunan, at pang-kultura. Taglay nito ngayon ang napakalaking pag-asa sa patuloy na pamamayagpag sa napakabilis na nagbabagong digital universe.
Ngayon, magbabalik-tanaw tayo sa aming pinagmulan bilang isang apat na pahinang pahayagan na may shipping at iba pang commercial information set up noong Pebrero 2, 1900—dalawang taon ang nakalipas makaraang magsimula ang pananakop ng Amerika sa bansa—ni Carson C. Taylor, isang guro mula sa Illinois, United States, na naglingkod sa US Army sa panahon ng digmaang Espanya-Amerika. Siya at ang kanyang patnugot na si H. G. Farris ang tanging empleyado ng pahayagan, na nilimbag ng El Progreso sa 10 Carriedo sa Maynila. Naging pahayagan ito na may tabloid format noong 1912, hanggang nagkaroon ng karaniwang sukat na may walong kolum noong 1918. Inillathala ang Bulletin araw-araw simula noon, maliban sa apat na taon na kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nang ipasara ito ng puwersang Japanese, at sa loob ng ilang linggo matapos ideklara ang batas militar noong 1972.
Namayagpag ang Bulletin sa mga taong ito, protektado ng ginagarantiya ng batas na kalayaan sa pamamahayag. Pinatay ng batas militar ang operasyon ng maraming pahayagan sa bansa, na nadagdagan pa sa matinding kumpetisyon sa mga taon makaraang magwakas ang martial law, ngunit hindi lamang basta nakaligtas ang Bulletin. Naging “The Nation’s Leading Newspaper” din ito.
Sa malaking bahagi ng mga taon matapos na kilalanin ng Amerika ang kalayaan ng Pilipinas noong 1946 at sa mga panahong batbat ng problema dulot ng batas militar, ang Bulletin ay pinangunahan ng Swiss-Filipino na si Brig. Gen. Hans M. Menzi. Noong 1961, ipinasa ni General Menzi ang pagmamay-ari sa Bulletin sa pilantropo at negosyanteng si Dr. Emilio T. Yap. Sa ilalim ng pangangasiwa ni Chairman Yap, ang Bulletin ay naging isang pampublikong korporasyon na nakipagsabayan sa Philippine Stock Exchange. Nagkaroon ito ng isang limang-palapag na printing press—ang pinakamalaki sa bansa—na ngayon ay umookupa sa sarili nitong gusali katabi ng pangunahing tanggapan ng Manila Bulletin sa Intramuros, Maynila.
Nang pumanaw si Chairman Yap dalawang taon na ang nakalilipas, ipinasa niya ang pamumuno sa bagong Chairman of the Board na si Basilio C. Yap at kay Dr. Emilio C. Yap III, Vice Chairman at Executive Vice President. Magkatuwang silang nagpatupad ng mga pagbabago na nagdala sa Manila Bulletin sa bagong era ng pamamahayag at komunikasyon.
Ngayon, ang Bulletin ay isang kumpanyang multimedia na gumagamit ng multi-platforms—nakaimprenta at digital—upang magbahagi ng impormasyon. Habang nangyayari ang mga balita, ipinadadala ng aming OnLine staff ang mga unang ulat, na binubuo para maging isang pinagsama-sama at kumpletong istorya para ilathala. Ang aming Social Media staff naman ang nagbabahagi ng lahat ng balita sa pandaigdigang mambabasa.
Sa loob ng maraming taon, sa gitna ng maraming pagbabago, at sa lahat ng interaksiyon sa modernong mundo ng teknolohiyang pang-komunikasyon, nananatiling tapat ang Bulletin sa mga pangunahing paninindigan sa press freedom, mahusay at responsableng pag-uulat sa mga balita, at pagbabahagi ng mga makabuluhang pananaw at opinyon, na aminadong pinapaboran ang pag-uulat ng mga positibong balita. Ngunit ang pangkalahatang hangarin ay ang magkaloob sa publiko ng isang malawak at balanseng pananaw sa bansa at sa mundo, upang ang lahat ay maging “Be Fully Informed.”
Sa aming ika-116 na anibersaryo ngayon, binibigyang-diin ng Manila Bulletin ang pagtalima nito sa pinakamataas na ideyalismo ng malayang pamamahayag at sa pinakamahalagang tungkulin ng media at komunikasyon sa buhay ng alinmang malayang bansa. Higit pa kaming mamamayagpag, nang buong kumpiyansa, para sa kinabukasan batbat ng responsibilidad at oportunidad para sa pagpapaunlad pa sa ating bansa.