DAVAO CITY – Mariing kinondena kahapon ng isang opisyal ng militar sa Southern Mindanao ang pagkukubli ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa eskuwelahan at paggamit sa mga mag-aaral at mga guro bilang panangga laban sa Philippine Army, kamakailan.

Enero 26 at nagsasagawa ng Peace and Development Outreach Program ang mga tauhan ng 46th Infantry Battalion ng Army sa Barangay Anitapan sa Mabini, Compostela Valley nang pagbabarilin sila ng mga rebelde mula sa Guerrilla Front 2 ng Southern Mindanao Regional Committee, na nakapuwesto sa loob ng isang paaralan sa lugar.

Ayon kay 10th Infantry Division commander Major General Rafael Valencia, hindi nakaganti ng putok ang kanyang mga tauhan laban sa NPA sa pangambang matamaan ang mga mag-aaral at mga guro sa campus.

Walang nasugatan o nasawi sa panig ng militar matapos ang apat na minutong pagpapaputok ng NPA, ngunit nagdulot ng matinding trauma sa mga bata at mga guro ang insidente, ayon kay Valencia.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

“We strongly condemn this cowardly act of the NPA,” sabi ni Valencia, at hinimok ang grupong Save our School Network (SOS-Network) na imbestigahan ang usapin.

Ang SOS-Network ang nagsusulong ng proteksiyon para sa mga eskuwelahang Lumad sa Mindanao, at inaakusahan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng paggamit sa mga paaralan kapag nagsasagawa ng military operations.

Sinabi ni Valencia na ang SOS “[should] conduct an investigation on this incident since they claim to be protecting the schoolchildren and teachers away from conflict and should castigate the NPAs of their violations.”

Nanawagan din ang 1001st Brigade sa NPA na huwag gamitin ang mga bata bilang human shield, at ang paaralan para pagkublihan ng mga rebeldeng aatake. (ALEXANDER D. LOPEZ)