Ikinagalak ng mga lokal na opisyal ng Valenzuela City ang pagkakahirang sa siyudad bilang ika-15 sa Health Care Index 2016 mula sa 182 siyudad sa buong mundo, at inilampaso ang iba pang mauunlad na bansa.

Hanggang Enero 22, namayagpag ang Valenzuela City sa Boston, Massachusetts (ika-16); Vienna, Austria (ika-17); Edinburgh, United Kingdom (ika-22); Tokyo, Japan (ika-23); Melbourne, Australia (ika-24); at Copenhagen, Denmark (ika-25).

“A crucial element in breaking the intergenerational poverty cycle is to provide excellent healthcare services so indigent families won’t have to shell out money anymore—money that could have been spent on their children’s education and other basic needs,” pahayag ni Valenzuela Rep. Win Gatchalian.

Si Gatchalian ay naging alkalde ng Valenzuela City sa tatlong magkakasunod na termino bago bumalik sa Kamara de Representantes bilang kinatawan ng Unang Distrito.

Eleksyon

49 na senatorial aspirants, naghain ng COC ngayong Oct. 7

Pinasalamatan ni Gatchalian ang lahat ng kumilala sa kanyang mga nagawa para sa siyudad sa pagpapabuti ng healthcare services at gawing abot kaya ito para sa mga residente, lalo na sa mga maralita.

“Rest assured that we will strive to make our city’s healthcare even more competitive and to make the delivery of our services faster so we can serve more people,” iginiit ng kongresista ng Nationalist Peoples Coalition (NPC).

Sa usapin ng health care index sa Asia, pumuwesto ang Valenzuela City sa ikapito sa 50 siyudad, inungusan ang Tokyo, Japan (ikasampu); Riyadh, Saudi Arabia (ika-12); at Hong Kong (ika-14).

Nitong nakaraang taon, nasungkit ng Valenzuela City ang Kalusugan Pangkalahatan grand prize award matapos kilalanin ang epektibong pagpapatupad nito ng systems-based approach sa pagpapabuti sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan para sa mga residente.