LOS ANGELES (Reuters) – Pumanaw kahapon si Glenn Frey, ang mahusay na gitarista, singer, songwriter, at founding member ng bandang Eagles, na nagpasikat sa Hotel California at sa marami pang mga awitin. Siya ay 67 anyos.

Namatay si Glenn sa New York City dahil sa mga komplikasyon ng rheumatoid arthritis, acute ulcerative colitis, at pneumonia, ayon sa pahayag sa website ng banda.

Nakatulong ang Eagles, na ang album na Their Greatest Hits 1971-1975 ay naging second-best-selling record of all time sa Amerika, sa paglulunsad ng freewheeling soundtrack ng ’70s America at nanatili sa pamamayagpag sa rock radio sa sumunod na halos kalahating siglo.

Ang kombinasyon nila ng rock at country music ang pinakamalaki nilang impluwensiya kaya mabilis na sumikat ang mga awitin nilang Desperado, Already Gone, at Take It to the Limit.

KC Concepcion, gumanda ang feeling nang magkasundo mga magulang

Nakipag-collaborate si Glenn sa drummer na si Don Henley upang magsulat at magtanghal ng karamihan sa mga awitin ng Eagles. Bagamat mas madalas na si Don ang umaawit para sa grupo, tumugtog naman ng gitara at piano si Glenn, at walang duda na isa siyang mahusay at epektibong back-up vocalist.

Ang mga pag-awit niya sa Take It Easy at Peaceful Easy Feeling sa debut album ng banda noong 1972 ang nagpasikat sa Eagles, at kalaunan ay siya mismo ang umawit ng Lyin’ Eyes, Already Gone, at Take It Easy.

Sa isang pahayag kahapon, pinuri ni Don Henley si Glenn bilang “[the] one who started it all” para sa Eagles.

“He was the spark plug, the man with the plan,” sabi ni Don. “He had an encyclopedic knowledge of popular music and a work ethic that wouldn’t quit. He was funny, bullheaded, mercurial, generous, deeply talented and driven.”

Kabilang din sa mga orihinal na miyembro ng banda sina Bernie Leadon at Randy Meisner. Ilan pang musicians, kabilang si Joe Walsh, ang sumali sa banda noong dekada ’70.

SOLO SUCCESS

Nang ma-disband ang Eagles noong 1980, naging matagumpay ang solo career ni Glenn, ini-record niya ang mga awiting The One You Love, Smuggler’s Blues, at The Heat Is On. Ang ilan sa kanyang mga komposisyon ay ginamit sa mga pelikula at TV shows, at sandali ring naging aktor si Glenn, kabilang ang maliit niyang role sa pelikulang Jerry Maguire noong 1996.

Noong 1994, muling nagsama-sama ang Eagles at ini-release nila ang album na Hell Freezes Over.

Napabilang sa Rock and Roll Hall of Fame noong 1998 at nagtanghal sa maraming sold-out shows simula nang mag-reunion, nakumpleto ng Eagles ang kanilang dalawang-taong tour noong Hulyo 2015.

Noong nakaraang buwan, nakatakda sanang makasama ng Eagles ang songwriter na si Carole King, ang Star Wars director na si George Lucas, at iba pa, para tumanggap ng prestihiyosong Kennedy Center Honors sa Washington. Ngunit Nobyembre pa inihayag ng performing arts center na hindi makakadalo ang Eagles dahil hindi maganda ang lagay ng kalusugan ni Glenn, kaya ipiprisinta na lang sa banda ang parangal ngayong 2016.

Inulila ni Glenn ang kanyang asawang si Cindy, at ang kanilang tatlong anak.

Pumanaw si Glenn mahigit isang linggo pagkamatay ng isa pang rock great, si David Bowie, sa edad na 69 sa New York, dahil sa liver cancer.