Buhay ang naging kabayaran sa anim na balot na inutang ng isang mekaniko makaraan siyang pagtulungang gulpihin ng isang magkapatid sa Koronadal City, South Cotabato, iniulat ng pulisya kahapon.

Sinabi ng Koronadal City Police Office (KCPO) na pinaghahanap pa sina Jofevon Moden at John Rex Moden, na itinuturong nakapatay kay Wilfredo Almodiente, ng Supon, Barangay San Jose, Koronadal City.

Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente nitong Sabado ng umaga sa Roamsiville sa lungsod.

Nabatid sa pagsisiyasat ng pulisya, batay sa salaysay ng nag-iisang saksi, na bago ang pananakit ay inawat ng biktima si John Rex na noon ay binubugbog ang sariling asawa.

Probinsya

Atimonan mayor, kinondena pamamaslang sa 10-anyos na batang babae

Dahil dito, nagalit ang suspek at siningil si Almodiente sa P60 na utang nito sa balot.

Nagalit naman ang biktima sa panghihiya ni John Rex nang singilin siya sa pagkakautang sa gitna ng maraming tao.

Nag-away ang dalawa at kinampihan si John Rex ng kapatid niyang Jofevon, hanggang sa pagtulungan nilang bugbugin si Almodiente, na nawalan ng malay.

Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktima, habang agad namang nakatakas ang magkapatid. (FER TABOY)