Binuhay ng defending champion sa San Beda College ang kanilang tsansa para sa target na 6th straight NCAA seniors football crown matapos gapiin ang dating walang talong Arellano University, 2-1, sa “extra time” noong Sabado sa Rizal Memorial Football Stadium.

Sapat na ang free kick na ipinasok ni Aljo Zabala sa kalagitnaan ng second half ng extension upang maipalasap ng Red Booters ang unang kabiguan ng Chiefs ngayong season at makamit ang tagumpay sa second round.

Naputol ang naitalang 8-game winning streak ng Arellano dahil na rin sa determinasyong ipinakita ng San Beda na agad nagdomina sa simula pa lamang ng laban.

Magtutuos ang Chiefs, na siyang nanguna sa first round, at ang Red Booters sa “one-game Final” bukas, Martes, ganap na 11:00 ng umaga.

Ilang volleyball stars pina-auction jersey; tulong sa player na may liver cancer

Matapos ang “goalless regulation play”, sinimulan ng San Beda ang scoring sa pamamagitan ng goal ni Nimrod Balabat sa tulong ni Connor Tacagni sa 92nd minute.

Naitabla naman ng Arellano, na naghahangad ng kanilang unang titulo sa football, ang laban sa pamamagitan ng “spot kick” ni Patrick Bernarte sa 115th minute.

Sa isa pang laban, tinalo ng College of Saint Benilde ang Lyceum of the Philippines University, 4-0.

Nagtapos ang Blazers na katabla ng Red Booters at ng Chiefs sa barahang 2-1, panalo-talo, ngunit hindi sila umabot sa kampeonato dahil sa “inferior goal difference”.

Kinumpleto naman ng San Beda ang “double finals appearance” nang makapuwersa rin ang kanilang juniors squad ng “one-game championship” kontra CSB-La Salle Greenhills sa pamamagitan ng 3-0 panalo sa huli noon ding Sabado.

Magtutuos na muli ang dalawang koponan para sa kampeonato bukas, sa pambungad na laro, ganap na 9:00 ng umaga. - Marivic Awitan