Malamig pa sa malakas na hangin tuwing may bagyo ang inilaro ni Kevin Durant sa unang tatlong yugto ng laban ng Oklahoma City Thunders kontra Minnesota Timberwolves nitong Martes (Miyerkules sa Pilipinas). Subalit singbagsik ng kulog naman siya sa pagresponde kung kinakailangan.

Nagpaulan ng 12 magkakasunod na puntos si Durant sa huling tatlong minuto at nagapi ng bumibisitang OKC Thunders ang Minnesota Timberwolves, 101-96.

Nagbuslo lamang ng pito sa kanyang 21 tira bago magsimula ang fourth quarter, 4 na jumpers at 4 na free throws ang sunud-sunod na isinalpak ni Durant para maiwasan na naman ang isang collapse para sa Thunders.

Tumulong si Russell Westbrook para sa OKC sa kanyang 22 points, 11 assists at 7 rebounds na produksiyon.

May nandura? Komosyon sa pagitan ng UP, La Salle coaches, lumala!

Ito na ang ikapitong panalo sa huling 9 na laro ng Thunders para umangat sa 27-12 record habang bumagsak naman ang Portland sa 12-27 kartada.

Bago ang Timberwolves, nauna ng hinarap ng OKC ang Portland Trail Blazers noong Linggo kung saan limang magkakasunod na three-pointer ang ibinigay nila kay Portland guard Damian Lillard sa huling tatlong minuto ng laro. Panalo ang Trail Blazers, 115-110.

Kumolekta si Zach LaVine ng 21 puntos habang sina Andrew Wiggins at Shabazz Muhammad naman ay may tig-20 para sa mapait na pagkatalo ng Timberwolves.

Sa iba pang laro, nagbuhos ng 26 puntos ang rookie sensation na si Kristaps Porzingis habang 20 sa kanyang 24 puntos naman ang ipinasok ni Arron Afflalo sa second half upang pagtulungang iangat ang New York Knicks kontra Boston Celtics, 120-114.

Bagamat na-injure si Knicks star Carmelo Anthony dahil sa sprained right ankle sa third quarter, sapat na ang inilaro nina Porzingis at Afflalo para sa panalo ng koponan.

Panalo rin ang Cleveland Cavaliers kontra Dallas Mavericks (110-107); Los Angeles Lakers sa New Orleans Pelicans (95-91); Indiana Pacers sa Phoenix Suns (116-97); at Milwaukee Bucks sa Chicago Bulls (106-101).

(MARTIN A. SADONGDONG)