Ipinahayag ng Ateneo community at iba’t ibang sports organization sa bansa ang kanilang pakikidalamhati sa pagpanaw nina Divine Adili at Rene Clert Baterbonia, na ilan sa itinuturing na “promising talents” sa larangan ng Philippine basketball.
Matatandaang iniulat ng Ateneo de Manila University (ADMU) na pumanaw sina Adili at Baterbonia noong hapon ng Lunes, Hunyo 8, dahil sa pagkalunod na nangyari sa kanilang team-building activity sa Dipaculao, Aurora.
KAUGNAY NA BALITA: 'One of the brightest talent!' Ateneo de Davao, inalala naging karera ni Baterbonia
Saad naman ng Philippine Sports Commission (PSC) noong Martes, Hunyo 9, itinuturing nilang trahedya ang mga hindi inaasahang pagpanaw, hindi lamang sa Philippine sports, kung hindi pati na rin sa mga taga-suporta ng dalawang manlalaro.
“Their loss is a profound tragedy for Philippine sports and for all who knew and supported them,” anang PSC.
MAKI-BALITA: PSC nakiramay, tutulong sa imbestigasyon ng pagkasawi nina Baterbonia at Adili!
Bilang pakikiisa sa malagim na pangyayaring ito, balikan ang naging maiksing karera sa basketball ng isa sa mga nasawing manlalaro na si Adili:
Si Adili ay ipinanganak sa Lagos State, Nigeria, noong Abril 14, 2005.
Bago maging parte ng Ateneo Blue Eagles Men’s Basketball team, si Adili ay naglaro para sa New Era Junior Hunters, kung saan, taong 2023 at 2024, nasungkit niya ang titulong “Most Valuable Player.
Taong 2025, naglaro sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) season 88 bilang parte ng Ateneo Blue Eagles, na dahil sa kaniyang tindig na 6 feet 10 inches, nakilala siya bilang “next great big man.”
Ayon pa sa iba’t ibang ulat, si Adili ay mayroong average 8.4 na puntos at 8.3 rebounds kada laro, na nagpapakita ng matatag na posisyon sa Blue Eagles.
Ilan sa mga naging kilala niyang outstanding performance ay ang laban ng Blue Eagles sa Adamson Falcons, kung saan siya ay nakakuha ng 16 na punto at 6 na rebounds, na nag-uwi sa pagkapanalo ng ADMU.
Isa pa ay ang kanilang laban sa University of the East (UE) Red Warriors, kung saan siya ay nakakuha ng 15 puntos at 13 na rebounds, kasama ang 10 puntos sa loob lamang ng 4th quarter, na nagdulot upang mabasag ang five-game losing streak ng Blue Eagles.
Ang performance na ito ni Adili ay lubos na kinilala ni Coach Tab Baldwin at sinabi niyang ang pagsali nito sa Blue Eagles ay nagpabuti sa dynamics ng buong team.
Bukod sa pagiging mahusay na basketball player, naibahagi ni Adili sa isa niyang panayam sa media ang hilig niya sa cartoon character na si Spongebob Squarepants dahil natutulungan daw siya nitong makapag-relax sa mga panahong nagdaraan siya sa tensed na sitwasyon.
Bilang kaibigan, nag-iwan din ng masasayang alaala si Adili kay Ateneo Blue Eagles Women’s Volleyball player na si Dona Mae De Leon.
Sa Instagram story ni De Leon, binanggit niyang si Adili ang “kindest and most loving person” na kilala niya.
Bukod dito, ipinakita rin ni De Leon ang isang video ni Adili na nanonood ng isa sa kanilang volleyball match bilang pagsuporta.
Dahil maituturing na trahedya ang naging pagpanaw nina Adili at Baterbonia, ipinanawagan ng publiko ang masusing imbestigasyon upang malaman ang buong katotohanan sa likod nito.
MAKI-BALITA: 'Is it just a team building?' Netizens, umalma sa pagkalunod nina Baterbonia at Adili!