Nagbabaon ka rin ba ng pagkain tuwing papasok sa trabaho o eskuwela?
Sa panahon ngayon, sa gitna ng pagtaas ng presyo ng lahat—pagkain, pamasahe, langis—napakahalaga na talagang maging praktikal at maging matalino lalo na sa pagdedesisyon sa usaping pagkain.
Para kasi sa iba, mas swak sa kanila ang pagbabaon ng pagkain tuwing papasok sa klase o trabaho.
Dahilan nila, mas nakakatipid daw iyon lalo’t mahal daw ang pagkaing luto kung bibilhin sa labas.
Depensa naman ng mga hindi nagbabaon, labis na “effort” ang kinakailangan upang makapaghanda ng pagkain.
Para sa kanila, mas ayos ang bibili ka na lang sa labas at diretso kain na, lalo para sa mga taong “busy” at wala nang oras upang maghanda ng babaunin.
Ano nga ba ang totoo, mas tipid ba talaga kapag nagbabaon ng pagkain?
Batay sa ilang mga artikulo at pag-aaral, walang dudang mas tipid ang pagdadala ng pagkain sa trabaho o eskuwelahan.
Ayon sa artikulong mababasa sa pahinang “San Miguel Foods,” narito ang ilang benepisyong makukuha sa “meal prep” o pagbabaon.
- Tipid sa oras sapagkat mas mabilis at mas madaling gumawa ng sariling pagkain
- Maeengganyong kumain ng “healthier food” sapagkat maiiwasan ang “fast food” at “overly processed snacks”
- Kontrolado ang mga ingredients gaya ng mantika, asin, at MSG
- Mababawasan ang produksyon ng “food waste”
- Tipid sapagkat maaaring bumili ng bulto-bulto
Base naman sa pag-aaral ng Louisiana Solutions Global Impact, swak ang pagbabaon kung nagtitipid ka o may pinaglalaanan.
“Every day people pack a lunch to take to work or school. As a nation, on average, we eat out between four and five times a week. Half of those meals are eaten at lunch. Bringing a bag lunch from home can save both money and time compared to eating out in a restaurant or cafeteria. A lunch prepared at home is usually cheaper than eating out,” mababasa sa pag-aaral.
Ayon naman sa isang artikulo ng pahinang “Pack It,” ang hindi pagkain sa labas ay suhestiyon na ng mga eksperto kung nais na makatipid sa gastusin sa pagkain.
“If you're looking for ways to cut expenses, follow the advice of experts who recommend saving money by not eating out,” mababasa sa artikulo.
Hindi lang daw ‘yan, dahil sa effort na inilabas mo para maghanda ng “packed lunch,” puwede mo rin daw bigyan ng “tip” ang iyong sarili.
“Packing a lunch is a more cost-effective way to eat at work – and you can pocket that tip for your extra effort,” anang artikulo.
Maliban sa perang natitipid, ilan din sa mga benepisyo ng pagbabaon ay ang mas malayang pagpili ng naising baon, mas “healthy” na pagkain—sapagkat kontrolado ang recipe—at maiiwasan ang “food waste” na mas madalas makuha mula sa tira-tirang order sa mga kainan sa labas.
Gayong may mga pag-aaral at artikulong sumusuporta sa puntong ito, ang pagdedesisyon ng pagdadala ng pagkain o pagbili sa labas ay iba-iba sa bawat indibidwal.
Nasa tao pa rin kung ano ang mas karaniwan, mas kapaki-pakinabang, at mas madali para sa kaniya.