Kada taon, isa sa kinahaharap na pasakit ng maraming Pilipino ay ang matataas na pagbaha sa iba’t ibang parte ng bansa.
Bukod sa pagtaas ng lebel ng dagat, pagtama ng malalakas ng bagyo at pag-uulan, kasama rin dito ang pagpuputol ng mga puno at ang maling pagtatapon ng mga basura, na ayon sa tala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ay umaabot ng higit-kumulang 61,000 metric tons kada araw.
Dahil dito, alamin kung ano nga bang mga basura ang naiiwan at matagal ang buhay na nakapamiminsala ng kapaligiran:
Plastic
Ang plastic, na kalimitang nagdudulot ng pagkamatay ng maraming marine species kapag napapadpad ito sa karagatan ay tumatagal ng 10 hanggang 20 taon.
May ilan pang pag-aaral na nagsasabing maari pa itong umabot ng milyong taon dahil gawa ito sa petroleum na hindi kalimitang nalulusaw.
Styrofoam
Ang styrofoam cup na kadalasang ginagamit sa coffee orders, ay maaaring umabot ng higit 500 taon, dahil gawa ito sa materyal na polystyrene, na isang petroleum-based form ng plastic.
Bagama’t ginagamit ito sa packaging ng maraming pagkain, binabanggit sa mga pag-aaral na nagdudulot ito ng carcinogen, na iniuugnay sa leukemia at lymphoma cancer.
Upos ng sigarilyo
Ang upos ng sigarilyo o cigarette butt ay umaabot ng isa hanggang 12 taon bago tuluyang mabulok, dahil gawa ito sa cellulose acetate, na isang man-made plastic.
Ayon sa mga pag-aaral, ang mga upos na ito ay maaari pang magdulot ng pagkalason ng tubig at mga lupa, kung saan ito itinapon.
Aluminum can
Isa pang sikat na ginagamit sa mga lalagyan ng inumin, ang aluminum can ay maaaring tumagal ng 80 hanggang 200 taon o kung minsan pa, milyong taon.
Gayunman, ang aluminum cans ang itinuturing na pinaka madaling i-recycle at muling magamit sa loob ng 60 araw.
Disposable Diaper
Ang disposable diaper o single-use diaper ay inaabot ng higit 500 taon bago tuluyang mabulok.
Ayon pa sa iba’t ibang pag-aaral, ito ang itinuturing na “third largest contributors” sa landfills sa buong mundo, kung saan higit 18 milyon ang naitalang itinatapon taon-taon.
Wet wipes
Ang wet wipes na kadalasang ginagamit bilang makeup remover o panglinis sa mga kagamitan ay inaabot ng 100 taon bago mabulok dahil gawa ito sa polyester-based plastic na inaabot ng siglo ang buhay.