July 23, 2026

Home FEATURES Kahayupan (Pets)

Aquamation, makabagong paraan ng pamamaalam sa pumanaw na pets

Aquamation, makabagong paraan ng pamamaalam sa pumanaw na pets
Photo courtesy: ChatGPT (AI-Generated)

Para sa maraming pet owners, hindi lamang simpleng hayop ang kanilang mga alaga kundi tunay na bahagi ng pamilya. Kaya naman kapag dumating ang oras ng pamamaalam, hangad ng marami na mabigyan sila ng marangal at makahulugang huling hantungan.

Isa sa mga makabagong serbisyong unti-unting nakikilala ngayon ay ang aquamation, isang alternatibong paraan ng cremation na gumagamit ng tubig at alkaline solution sa halip na direktang init o apoy. Tinatawag din itong water cremation o alkaline hydrolysis.

Sa prosesong ito, inilalagay ang mga labi ng alagang hayop sa isang espesyal na lalagyan kung saan pinagsasama ang maligamgam na tubig at alkaline solution upang natural na mapabilis ang decomposition. Matapos ang proseso, naiiwan ang malinis na mga buto na pinoproseso at ibinabalik sa pet owner bilang abo o cremated remains.

Ayon sa mga eksperto, mas mababa ang enerhiyang ginagamit ng aquamation kumpara sa tradisyunal na cremation at mas kaunti rin ang nailalabas nitong greenhouse gases. Dahil dito, itinuturing itong isang mas environment-friendly na opsyon para sa mga nais magbigay ng huling pagpupugay sa kanilang mga alaga.

Isa sa mga pioneer ng aquamation sa Pilipinas ay ang "Pet to Nature Philippines." Matatagpuan ang kanilang pasilidad sa Metro Manila. Nag-aalok sila ng water cremation para sa mga alagang hayop na may kasamang libreng pick-up at mga memorabilia.

Kahayupan (Pets)

Asong nasagip bago isailalim sa euthanasia, lilipad na sa US!

Maghanda lamang ng halagang ₱3,500 pataas kung nais isailalim sa aquamation ang mga labi ng pumanaw na fur babies.

Bagama't may cremation na para sa mga tao, hindi pa legal o available bilang opsyon sa paghimlay sa Pilipinas ang aquamation.

Sa paggunita ng World Pet Memorial Day, ipinapaalala ng aquamation na may mga bagong paraan upang maipakita ang pagmamahal at paggalang sa mga alagang nagbigay ng saya, pagkakaibigan, at walang kapantay na katapatan sa kanilang mga amo.

Bagama't masakit ang pamamaalam, nananatiling buhay ang mga alaala ng mga minamahal na alaga sa puso ng kanilang mga naiwan.