Inanunsyo ng Light Rail Transit Authority - LRT Line 2 na sila ay mayroong libreng sakay para sa lahat ng pasahero sa darating na Biyernes, Hunyo 12, 2026.
Kasabay ito ng ika-128 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Sa anunsyong ibinahagi ng LRT-2 sa kanilang Facebook page nitong Miyerkules, Hunyo 10, iginiit nilang pakikiisa ito sa paggunita ng kasarinlan ng bansa.
“Ang inisyatibong ito ay bahagi ng pakikiisa ng LRTA sa pagdiriwang ng kalayaan ng ating bansa at bilang pasasalamat sa patuloy na pagtangkilik at suporta ng mga mananakay sa serbisyo ng LRT-2,” saad ng LRT-2 sa kanilang post.
Narito ang oras ng libreng sakay sa LRT-2 sa Hunyo 12:
7:00 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga
5:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi
“Inaanyayahan ang lahat na samantalahin ang libreng sakay na ito at makiisa sa paggunita sa mahalagang yugto ng ating kasaysayan,” anila.
“Nawa’y magsilbi itong paalala ng ating pagkakaisa, pagmamahal sa bayan, at pagpapahalaga sa kalayaang tinatamasa natin ngayon,” pagtatapos ng LRT-2.