Umapela si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa agarang paglalaan ng karagdagang ₱15 bilyong pondo para sa mga naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Matatandaang ginulantang ng malakas na lindol ang maraming lokal na residente at estudyante partikular sa Maasim, Sarangani, Soccsksargen, umaga noong Lunes.
Ayon sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), tumama ang mapaminsalang lindol sa naturang lugar bandang 7:37 ng umaga noon at naramdaman ito maging sa iba pang mga karatig-lugar o bayan.
KAUGNAY NA BALITA: PHIVOLCS, itinaas sa magnitude 7.8 ang nangyaring lindol sa Sarangani
Sa inilabas na pahayag ni Pangilinan sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules, Hunyo 10, sinabi niyang ilalaan daw para sa rehabilitasyon, recovery, repair, at reconstruction efforts ang isinusulong niyang dagdag pondo para sa mga naapektuhang mga probinsya at lungsod sa Mindanao.
Ani Pangilinan, sa ilalim raw ito ng Senate Bill No. 2259 kung saan hinihiling nila ang supplemental appropriation na ₱15 bilyon para sa fiscal year 2026.
Narito ang planong paghahati nina Pangilinan ang ₱15 bilyong pondo na kanilang hinihiling para sa mga biktima ng malakas na lindol:
Photo courtesy: Kiko Pangilinan (FB).
Saan ni Pangilinan, prayoridad daw nilang maging ligtas, magkaroon ng sapat na tulong, at para daw maibalik ang normal na buhay ng taumbayan sa lalong madaling panahon.
“Ang prayoridad natin sa gitna ng sakunang ito ay ang kapakanan ng ating mga kababayan sa Mindanao—na sila ay maging ligtas, magkaroon ng sapat na tulong mula sa gobyerno, at nawa’y makabalik muli sa kanilang normal na buhay at hanapbuhay sa pinaka-madaling panahon,” aniya.
Pagpapatuloy ni Pangilinan, higit din daw na kailangan ng taumbayan ang matagalang tulong mula sa gobyerno para aktuwal na makabangon ang mga naapektuhang lugar sa Mindanao.
“Higit pa sa agarang tulong na kailangan ng ating mga kababayan sa Mindanao ngayon, kailangan din nila ng matagalang suporta mula sa gobyerno para muli silang makabangon mula sa trahedyang ito,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Gatchalian bloc, ibibigay 1 buwan na suweldo sa mga apektado ng lindol sa Mindanao!