Hangad ni Pinoy boxer Vic “Vicious” Saludar na masungkit ang titulo ng WBO sa laban nito na gaganapin ngayong gabi sa Japan bilang pasalubong sa bagong taon.
Habang isinusulat ang balitang ito ay naghahanda na si Saludar para sa kanyang laban kontra Kosei Tanaka para sa WBO minimumweight championshipsa 12 round fight sa Aichi Prefectural Gym sa Nagoya, Japan.
Sa ngayon kabilang sa mga kababayan na world champions ay sina WBO light flyweight king Donnie Nietes, WBO superbantamweight champion Nonito Donaire Jr., IBO lightflyweight champion Rey Loreto at WBA interim lightflyweight title holder Randy Petalcorin.
Ang rekord ng 25-anyos na si Saludar ay 11-1 na may 9 Kos kung saan nagtala siya ng siyam na sunod sunod na panalo bago ang una niyang laban sa labas ng bansa mamaya.
Si Vic ang pinakabata sa tatlong boxing brothers.
Ang kapatid na si Rey, 27, ay isang national athlete at gold medalist sa Asian Games, samantalang si Froilan, 26, ay isa ring professional fighter (23-1-1). Ang kapatid nila na si Ariel ay trainer naman ni Vic.
Ang Japanese boxer na si Tanaka, 20, ay nagkampeon sa loob lamang ng limang mga professional fights nang manalo siya sa puntos kontra sa isang Mexican boxer para sa 105 pound titile noong buwan ng Mayo. - Bombo Radyo