Sa ikatlong pagkakataon, muling maglalaban sina 8-division world champion Manny Pacquiao at American WBO welterweight champion Timothy Bradley sa Abril 9, 2016 na gaganapin sa MGM Grand Garden Arena, Las Vegas, Nevada.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Top Rank big boss Bob Arum. Si Pacquiao ay 37-anyos samantalang si Bradley ay 32.
Magugunitang tinalo ni Bradley si Pacquiao sa una nilang paghaharap noong 2012 subalit nakabawi naman si Pacman sa kanilang rematch noong 2014 via unanimous decision na nagbalik sa WBO welterweight title nito.
Ang duwelo ng dalawa sa darating na Abril ang siyang pagbabalik ni Pacquiao matapos ang unanimous decision na pagkatalo nito kay American Floyd Mayweather Jr., sa tinaguriang “Fight of the Century” sa Las Vegas, noong May 2, 2015.
Namahinga si Pacquiao dahil sa operasyon nito sa shoulder injury na nakuha niya noong laban nila ni Mayweather.
Una ng sinabi ni Arum na iiwasan nila na gawin ang promosyon na retirement fight ni Manny ang mangyayari.
Ayon kay Arum, ayaw niyang ibenta ang next fight ni Pacman bilang last fight.
Maaari kasing magbago ang Filipino ring idol at maisipang lumaban muli.
Si Pacquiao ay nagpahayag na ng pagretiro sa boksing upang makapag-focus sa kanyang political career kung saan tatakbo itong senador sa darating na eleksiyon sa Mayo 2016.
Inihayag naman ni Arum na posibleng magkaroon pa ng mga karagdagang laban si Pacquiao bago ito pinal na magretiro.
“I don’t want to say that (it’s his last fight),” ang pahayag ni Arum.
“I’m not going to sell it as that because I don’t want everybody to say, ‘Hey, it’s his last fight, come and see it!’ and then it turns out that it’s not his last fight.
“Who the hell knows with these guys? They all change their minds so I’m not selling it as his last fight. He says it’s his last fight but who the hell knows?”
Samantala, tiniyak naman ni Arum na magiging big event ang sunod na laban dahil selebrasyon din ito ng ika-66 na career fight ni Pacman (57-6-2, 38KOs).
Nagkataon din na sa susunod na taon ay ang ika-50 taon ni Arum bilang boxing promoter.
Makakasama umano sa undercard ng laban ni Pacquiao ang ilang malalaking pangalan sa boxing. - Reuters/ Bombo Radyo