Nagkasya lamang si Women Grandmaster candidate Janelle Mae Frayna sa ikalawang puwesto habang ikatlo si International Master Jan Emmanuel Garcia sa pagtatapos ng 11 round na 3rd ASEAN JAPFA Chess Championships na isinagawa sa Jakarta, Indonesia.
Tumapos na tabla sa unang puwesto si Garcia sa natipon nitong 7 puntos subalit matapos ang tiebreak ay nahulog ito sa ikatlong puwesto sa likod ng nagkampeon na si FM Nguyen Anh Khoi ng Vietnam (2368) na may 36.75 points habang pumangalawa si GM Dao Thien Hai mula din sa Vietnam (2477) na may 36.00 puntos.
Tanging natipon ni Garcia (2410 ELO) ang 35.75 puntos upang humulagpos sa kamay ang titulo matapos hawakan ang solong liderato sa ika-10 round sa natipon nitong 6.5 puntos. Nakipaghatian lamang ng puntos si Garcia sa nakatapat nito sa ika-11 round na kababayang si International Master Paulo Bersamina.
Nagwagi naman si Nguyen kontra sa top seed na si GM Megaranto Susanto (2554) gayundin ang GM na si Dao kontr kay YosephTheolifusTaher ng Indonesia.
Tumapos na 4th si FM Yeoh Li Tian (MAS), 5th si IM Paolo Bersamina (PHI), 6th si YosephTheolifusTaher (INA), 7th si IM Ali Muhammad Lutfi (INA), 8th si GM Megaranto Susanto (INA), 9th si IM Nguyen Van Huy (VIE) at 10th place si IM Sean Winshand Cuhendi (INA). Ika-11 naman si GM Darwin Laylo (PHI).
Tuluyan namang iniuwi ng 21-anyos na Vietnamese Woman Grand Master na si Thi Mai Hung Nguyen ang korona matapos na magtipon ng kabuuang siyam na puntos kung saan hawak din nito ang superior tie break sa panghuli niotng laban kontra Indonesian Woman FIDE Master NurAbidah Shanti.
Tinapos ni Woman International Janelle Mae Frayna ang torneo na may 8 puntos habang ang kababayan nito na si Woman FIDE Master Shanai Mae Mendoza ay nagkasya din sa ikatlong puwesto at masiguro ang kanyang ikatlo at huling Woman International norm.
Nadagdag din sa selebrasyon ng delegasyon ng Pilipinas sa bago nitong Woman International Master title si Woman International Master Bernadette Galas na tinalo ang Indonesian Woman FiDE Master upang tumapos sa ikaanim na puwesto at makuha ang konsolasyon na mapataas ang kanyang FIDE ELO rating. - Angie Oredo