Aapaw sa Fil-foreign track athletes na naghahangad na makabilang sa pambansang koponan ng Philippine Track and Field Association (PATAFA).
Ito ang sinabi ni PATAFA president Philip Ella Juico sa paglipas ng huling araw ng taon kung saan inihayag nito ang inaasahang pagdagsa ng mga Fil-Foreign athlete na binubuo ng mga sprint at middle distance runner sa taong 2016.
“We are still working on their Philippine passport and naturalization,” sabi ni Juico, na optimistikong madaragdagan pa ang bilang ng mga magkukuwalipika nitong atleta sa pinaghahandaan nitong kada apat na taong Olimpiada na gaganapin sa Rio De Janiero, Brazil.
Isa na rito ang sprinter na si Trentem Beram na sumasabak sa torneo sa US East Coast na ang ina ay mula Cebu.
“Eric (Cray) is back in training for a month now and Beram is joining him in the training. Beram is trying hard to join the Olympics in 100m,” sabi ni Juico ukol sa 20-anyos na Mathematics Major sa University of Connecticut at sprinter na si Beram.
Ang miyembro ng UConn track team na si Beram ay may personal best na 21.09 segundo (outdoor) at 21.32 (indoor) sa 200m at 47.55 segundo sa 400m.
Ang Asian Games record sa 200m ay 20.14 segundo na itinala ni Femi Seun Ogunode ng Qatar noong 2014 edisyon sa Incheon habangang 400m ay hawak ni Yousef Masrahi ng Saudi Arabia na 44.46 segundo sa Incheon.
Mas mabilis ang Southeast Asian Games standard na 20.69 segundo na itinala ni Reanchai Seeharwong ng Thailand noong 1999 habang 400m mark ay 45.46 segundo na hawak ni Kunannon Sukkaew mula din sa Thailand noong nakaraang SEAG sa Singapore.
“We also have Fil-Moroccan and Fil-Romanian,” sabi ni Juico. “They will be all coming to the National Open which will be held April 6-8. Medyo umiiwas tayo sa date na laban ni Pacquaio that is set April 9,” sabi pa nito.
Maliban kay Berram, ang iba pang Fil-foreigner ay sina Felino Said at Galim Germali pati na rin ang 20-anyos na si Natalie Uy na ang ina ay mula sa Cebu. - Angie Oredo