Ni Angie Oredo

Isasagawa sa Pilipinas, sa unang pagkakataon ang prestihiyosong Asian Volleyball Confederation (AVC) Asian Women’s Seniors Volleyball Championships sa 2017.

Sinabi ni Larong Volleyball ng Pilipinas Inc. (LVPI) President Jose “Joey” Romasanta na itinakda ng AVC ang hosting ng prestihiyosong torneo na nilalahukan lamang ng mga pambansang koponan ng mga kasaling bansa sa Pilipinas upang mas mapaangat at mas maipakita ang kalidad at antas ng volleyball sa rehiyon.

“They (AVC) offered to us the hosting of the AVC Asian Women’s Senior’s for 2017,” sabi ni Romasanta. “It was a goodwill offer to us considering that we are just waking up from such long sleep in the volleyball community.”

PBA, hinihingi panig ni Amores; makabalik pa kaya sa liga?

Gayunman, sinabi ni Romasanta na kinakailangan muna nitong ipaapruba sa LVPI Board kung kukunin ang hosting ng torneo upang maisaayos ang lahat ng mga kinakailangang gawin sa pag-oorganisa, paghahanda at aktuwal na pagsasagawa ng torneo sa bansa.

“Hindi lang simpleng tournament ang Asian Seniors,” sabi ni Romasanta. “It involved the national teams in Asian countries that is why we want to as early as possible kung sino ang makakatulong natin sa hosting,” sabi nito.

Huli namang isinagawa ang 18th Asian Senior Women’s Volleyball Championships sa Beijing at Tianjin sa China noong Mayo 20-28. Lumahok dito ang China, Iran, Fiji, India, Thailand, Chinese Taipei, Hong Kong, Sri Lanka, Japan, Vietnam, Mongolia, Turkmenistan, Korea, Kazakhstan at Australia.

Samantala, sisimulan ng LVPI ang pagbubuo nito ng national Under-19 girls team na ninanais nitong solidong koponan sa pagsasailalim sa matinding pagsasanay bilang paghahanda sa dalawang sasalihan nitong internasyonal na torneo sa susunod na taon.

Ang koponan ay unang isasabak sa internasyonal na torneo na FIVB World Under-19 na susundan naman ng Asian Under-19 girls’ na magkasunod na gagawin sa Hulyo 2016 sa Thailand.

“Ang team na ito ay plano natin na siya na rin natin isasali sa 2017 Malaysia SEA Games at maging sa 2019 SEA Games na tayo ang maghohost. So we are looking sana sa isang malaking kompanya na willing mag-invest para sa ating national teams,” sabi ni Romasanta